6 pang pulis tinutugis 8 PARAK ARESTADO SA RAPE, HOLDAP SA ESTUDYANTE

CAVITE – Arestado ang walong pulis sa kasong paglabag sa RA8353 o Anti-Rape Law at robbery in band, habang pinaghahanap ang walong iba pa, kaugnay sa reklamo ng isang 18-anyos na Grade 9 student, sa umano’y isinagawang operasyon sa Bacoor City noong Sabado ng umaga.

Nasa kustodiya na ng Bacoor Component City Police Station sina PLt. Ram Rojun Pastor Maristela; PMSgt. Kristian Roxas Vega; PCpl. Marvin Jae Francisco Abella; PCpl. John Michael Salita Aga; PCpl. Ronnie Garcia Lising; Pat. Jimmer Domingo Vendiola; Pat. Crisanto Baraquel Gicoso at Pat. Jefferson Veloria Calma, habang pinaghahanap sina PCpl. Jerome V. Roxas; Pat. Alexander IIB. Versosa; PCpl. Dondee Great C. Olog; Pat. Edward D. Tagadtad; Pat. Raymart E. Laciste at Pat. Richard M. Saet, pawang nakatalaga sa PDEG SOU PRO 4.

Nag-ugat ang pag-aresto sa nabanggit na mga pulis matapos magreklamo ng panggagahasa at panloloob ang biktimang si alyas “Nena”, isang live streamer, sa umano’y isinagawang operasyon ng mga suspek bandang alas-7:45 ng umaga noong Sabado sa Brgy. Talaba 3, Bacoor City, Cavite.

Bandang alas-2:00 ng madaling araw nitong Linggo, agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga miyembro ng Intelligence Section ng Bacoor Component City Police Station sa pamumuno ni PCPT. Herminigildo M. Soriano Jr., kasama ang RID, RHSU, at RMFB sa tanggapan ng Drug Enforcement Group, Special Operation Unit 4A, Camp Vicente Lim, Brgy. Mayapa, Calamba Laguna, na nagresulta sa pagkakaaresto sa walong pulis.

Kabilang sa mga kinumpiska sa nasabing operasyon ang isang Zigana PX-9 na may 14 na bala; isang Canik Glock 17 Gen 4 na may 17 na bala; isang Canik TP9 SF Elite-S na may 10 bala; isang Zigana PX-9 na may 8 bala; isang Canik na may 15 bala; Canik TP9 SF Elite-S na may 15 bala; isang Canik TP9 SF Elite-S na may 12 bala; Canik TP9 SF Elite-S na may 12 bala; isang iPhone 13 na pagmamay-ari ng biktima; isang Toyota Innova na may plakang SHU704; isang kulay yellow na motorsiklong Mio i125 na pagmamay-ari ng biktima; tinatayang 86 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P584,800.00; pink na wallet, buy-bust money at dalawang plate number RGD9.

Inihahanda na ang pagsasampa ng reklamo sa City Prosecutor Office laban sa inakusahang mga pulis.

(SIGFRED ADSUARA)

192

Related posts

Leave a Comment