6 TIMBOG SA ANTI-DRUG OPS SA MAYNILA

ANIM na hinihinalang drug personalities ang nadakip sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng mga tauhan ng Malate Police Station at District Drug Enforcement Group sa Malate at Tondo, Manila noong Martes.

Ikinasa ang dalawang operasyon ayon sa direktiba ni Manila Police District director, Police Brigadier General Andre Perez Dizon.

Unang nagsagawa ng anti-drug operation ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, commander ng Malate Police Station 9, sa Noli Agno Street sa Malate.

Isang “Alondra”, 23-anyos, dalaga, ang nahulihan ng anim na plastic sachet na hinihinalang shabu na tinatayang P272,000 ang street value.

Nahuli rin ang tatlo nitong parukyano nang dambahin ng mga tauhan ni Tangdol na sina “Janice”, 39; “Federico,” 29, at Erwin John, 20, pawang mga residente ng San Andres Street, Malate.

Samantala, bandang alas-11:50 ng gabi, nagsagawa rin ng buy-bust operation ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng MPD.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jeorge Meneses, hepe ng DDEU ng MPD, ang suspek na si Conrado, alyas “Boss” ay nabitag ng pulisya, kasama si alyas “Merly” 46, kapwa residente ng Cristobal Street sa Tondo.

Nakumpiskahan ang dalawang suspek ng apat na sachet ng hinihinalang shabu na 20 gramo ang timbang, at P136,000 ang street value.

Sasampahan ang anim na mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (RENE CRISOSTOMO)

205

Related posts

Leave a Comment