60 IRR, ‘binaril’ ng SC MGA SENADOR, PINAKIKILOS SA TALIWAS NA IRR NG MGA BATAS

NANAWAGAN si Senador Richard Gordon sa kapwa niya mga senador na kumilos laban sa mga ahensiya ng pamahalaan na depektibo o salungat ang mga implementing rules and regulations (IRR) ng mga batas na ipinasa sa Kongreso.

Ani Gordon: “We work really, really hard. We consume so many hours and even days to craft bills and debate them. And when they’re approved and go to the Executive branch, they do not implement them, majority of them are not implemented. And it’s as if we’ve won a Pyrrhic victory all the time when nothing is implemented. We make laws and the men who implement them stick their tongues out, laugh at us and simply do whatever they please and they get away with it.”

Ang IRR ay rekesito sa pagpapatupad ng batas.

Kung wala nito, hindi maaaring ipatupad ang mga batas na ipinasa ng Kongreso at nilagdaan ng pangulo ng bansa.

Ayon kay Gordon, ilang kaso ang natatalo pagdating sa Korte Suprema dahil depektibo, o hindi tugma, ang IRR sa batas nito.

Inihalimbawa niya ang Republic Act 9369, o ang Amended Automated Elections System Law na hindi sinunod at ipinatupad nang tama ng Commission on Elections (COMELEC).

Kaya, nagsampa siya ng kaso sa Supreme Court (SC) laban sa COMELEC dahil hindi nito ipinatupad nang tama ang mga probisyon ng R.A. 9369 “requiring safeguards such as digital signatures, source- code review, random manual audit, and voter verifiable paper audit trail, among others.”

Inutusan ng mataas na korte ang COMELEC na ipatupad ang mga probisyong nagbibigay proteksyon sa mga boto ng mga botante.

Kamakalawa, binira rin ni Senador Francis Tolentino ang ilang ahensiya ng pamahalaan na naglalabas ng IRR nang taliwas sa tunay diwa at layunin ng mga batas na ginawa ng mga mambabatas.

Ayon kay Tolentino, aabot sa 60 kaso ang nakarating sa Korte Spurema upang maresolba lamang ang banggaan ng mga batas at kani-kanilang IRR.

Tinukoy ni Tolentino ang kaso ng Pharmaceutical and Health Care Association of the Philippines (PHCAP) laban kay Health Secretary Francisco Duque III (GR No. 173034) noong 2007 kung saan kaso sa mataas na korte ang Executive Order No. 51 (Milk Code) at ang IRR nito.

Mistulang naglabas ng bagong batas ang Department of Health (DOH) laban sa EO 51 dahil iba ang nakasaad sa IRR ng huli.

Maging ang Fair Election Law at ang IRR nito ay mayroong mga probisyong “unconstitutional,” pasya ng Korte Suprema, paalala ni Tolentino. (NELSON S. BADILLA)

134

Related posts

Leave a Comment