648 DENGUE CASES, 4 NAMATAY NAITALA SA QC

NAKAPAGTALA ang Quezon City government ang 648 na bagong kaso at apat na namatay na may kaugnayan sa dengue mula Nobyembre 17 hanggang Disyembre 4.

Nabatid sa ulat, sa pangkalahatan ay may kabuuang 10,609 na kaso ang naiulat sa lungsod mula Enero 1 hanggang Disyembre 4 o pagtaas ng 1,880 mula noong Oktubre 7.

Ayon sa isang post sa social media noong Martes, hinimok ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang mga residente na humingi ng agarang konsultasyon sa mga unang senyales ng dengue, tulad ng lagnat, sakit ng ulo at pantal, upang maiwasan ang malubhang komplikasyon at mabawasan ang panganib ng kamatayan.

“Ang mga bilang ng kaso ay nanatili sa itaas ng epidemic threshold mula sa Morbidity Weeks 40 hanggang 47 (Sept. 28 hanggang Nob. 16), maliban sa Linggo 46,” sabi ng ulat ng surveillance team ng QC Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).

Nabatid pa sa ulat, ang apat na pagkamatay na may kaugnayan sa dengue ay kinabibilangan ng tatlong lalaki at isang babae na may edad 5 hanggang 21-taong gulang. Tatlo ang nagpakita ng mga palatandaan ng babala sa oras ng pag-uulat, habang ang isang kaso ay inuri bilang malubha.

Sinabi ng QCESD, sa 648 na bagong kaso, 57 porsiyento o 368 ay lalaki habang 43 porsiyento o 280 ay babae.

Samantala, 324 na kaso o kalahati ng mga pasyente ay mga bata na may edad 5 hanggang 17-taong gulang.

Sinabi pa sa ulat, sa kabuuan ay 326 o 59 porsyento ang nauri bilang dengue na may warning signs, 305 kaso o 47 porsyento bilang dengue na walang warning signs, at 12 kaso o 2 porsyento bilang severe dengue.

Ayon pa sa ulat, ang Barangay Payatas ang nagtala ng pinakamaraming kaso, na sinundan ng Batasan Hills at Commonwealth.

Ang nangungunang nag-ulat na mga ospital ay ang Rosario Maclang Bautista General Hospital, National Children’s Hospital, at Quezon City General Hospital.

(PAOLO SANTOS)

82

Related posts

Leave a Comment