69 KASO ISINAMPA NG PNP KAUGNAY SA 990 KILO SHABU FIASCO

INIHAIN na sa korte ng Philippine National Police (PNP) ang 69 kaso laban sa mga police officer na dawit sa umano’y tangkang cover-up sa kontrobersyal na 990 Kilo drug haul noong nakalipas na taon.

Ayon kay PNP chief PGen. Benjamin Acorda Jr., nasa 69 administrative at criminal complaints ang kanilang isinampa laban sa mga pulis at high ranking officials na idinawit sa nabunyag na mga katiwalian at tangkang takipan sa pinakamalaking bulto ng droga na nasamsam sa Tondo, Maynila noong Oktubre 2022.

Inihain ang mga kaso sa Ombudsman of the military and other law enforcement offices (Moleo) at National Police Commission (Napolcom).

Nag-ugat ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa pagbubulgar ni Napolcom at Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na maraming mali sa nasabing drug raid at may mga opisyal ng PNP ang sangkot din sa tangkang cover up.

Magugunitang inihayag din ni Atty. Abalos na nakapagsampa na ito ng criminal complaints laban sa 50 police officers kaugnay sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Dangerous Drugs Act, Revised Penal Code, falsification, perjury, at false testimony, gayundin ang obstruction of justice na nakasalig sa Presidential Decree No. 1829.

Ayon kay Abalos, mula sa 50 police officers na ito, 49 sa kanila ang nakita sa CCTV footage noong araw ng pag-aresto kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na una na rin niyang isinapubliko noong Abril 10, 2023.

May dalawang senior PNP officer na wala sa video ang kinasuhan din dahil sa command responsibility.

(JESSE KABEL RUIZ)

205

Related posts

Leave a Comment