PITONG barangays na nasasakupan ng dalawang distrito ng Caloocan City ang nakapagtala ng mataas na COVID-19 cases.
Base sa nakuhang impormasyon ng Peryodiko Filipino Incorporated (PFI), hanggang noong Marso 10, 2021, pitong barangay sa Caloocan City ang may mataas na kaso ng COVID-19.
Kabilang sa mga ito ang barangay 176 (Dist. 1) na may naitalang kumpirmadong kasong 1,265, active cases 15, nakarekober 1,192, namatay 58; Brgy. 177 (Dist. 1) na may kumpirmadong kasong 732, active cases 18, nakarekober 689, namatay 25; Brgy. 171 (Dist. 1) na may kumpirmadong kasong 677, active cases 46, nakarekober 609, namatay 22; Brgy. 178 (Dist. 1) na may kumpirmadong kasong 551, nakarekober 505, namatay 31; Brgy. 175 (Dist. 1) may kumpirmadong kasong 458, active cases 18, nakarekober 423, namatay 17; Brgy. 167 (Dist. 1) may kumpirmadong kasong 455, active cases 8, nakarekober 439, namatay 8 at isang naisama mula sa District 2, ang Brgy. 12 na may kumpirmadong kasong 440, active cases 12, nakarekober 412, namatay 9.
Sa COVID-19 update sa pinakahuling datos ng Caloocan City Health Department at City Epidemiology and Surveilance Unit, nasa 481 ang kumpirmadong kaso mula sa 15,127 na kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 ng siyudad.
Sa panayam ng PFI SAKSINGAYON kay Brgy. 171 Bagumbong Caloocan City Chairman Romeo Rivera, sinabi niyang tumaas ang kaso COVID-19 makalipas ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Aniya, nagtuloy na ito hanggang sa kasalukuyan, ngunit sa kabila nito ay patuloy ang kanilang ipinatutupad na paghihigpit sa mga residente sa kanilang nasasakupan.
Ayon pa sa kanya, alam niyang tatlo hanggang anim lang ang aktibo sa COVID-19 sa kanilang barangay pagkalipas ng Pasko at Bagong Taon ngunit naging 46 ito sa kasalukuyan.
Natukoy ng Brgy. 171 Bagumbong na ang pinagmumulan ng hawaan ng virus ay sa palengke sa kanilang nasasakupan.
Dahil dito, ang pamunuan ng Barangay 171 ay nagtakda ng palitan ng oras ng pamamalengke upang maiwasan ang siksikan ng mga tao.
Ayon pa kay Rivera, dati na silang naglabas ng quarantine pass na may tatlong kulay na kinabibilangan ng orange para sa umaga na paglabas, green para sa hapon na paglabas at white para naman sa mga nagtatrabaho.
Kasabay nito, nanawagan si Kap. Rivera sa lahat ng kanyang mga kabarangay na mag-ingat at sundin ang health protocols lalo na ngayon na may mga bagong variant ng COVID-19.
Binanggit pa niya, mismo siya ay sumasama sa mga pulis sa pag-iikot sa kanilang nasasakupan para matiyak na sumusunod ang kanilang mga residente.
Ipinatatawag din niya ang mga magulang ng mga menor de edad na kanilang nahuhuli na gumagala sa curfew hours, na nagsisimula dakong alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga. (JOEL O. AMONGO)
