PORMAL nang iniluklok ang pitong kabataan na tinawag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang mga dating “tolongges” dahil sa pangingikil ng pera sa kalye at dating “solvent boys,” ang nabigyan ng panibagong pagkakataong makapamuhay nang disente at ngayon ay ganap nang mga empleyado ng pamahalaang lungsod makaraang kunin mismo sila ng alkalde.
Pinasalamatan ng alkalde ang block commander ng Manila Police District-Dagupan Police Community Precinct na si P/MSsgt. Gerry Tubera na siyang nakahuli sa dalawang “solvent boys” at inirekomenda nito kay Moreno na bigyan ng trabaho at tinanggap naman sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Ang dalawa na kinilalang sina Ralph Acebedo at Ralph Bantuas, ay naka-uniporme na ng MTPB nang iharap sa alkalde makaraang pormal na maging traffic enforcers matapos ang kanilang pagsasanay.
Gayunman, nagbabala ang alkalde sa dalawa na huwag mauugnay sa korapsyon.
“Wag kayo mangongotong ha. Kundi kokotongan ko kayo. Dignidad ang gawin n’yong kayamanan ninyo,” paalala ng alkalde
Samantala, ang limang iba pa ay kinuha naman ni Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso bilang mga social worker.
Ayon pa kay Moreno, sa limang “solvent boys,” dalawa rito ang may mga reklamo mula sa mga motorista bilang “wiper boys” na madalas na nangha-harass sa mga ito. Makaraang beripikahin, ayon kay Moreno, ang mga ito ay agad na hinuli.
Sa kanyang live broadcast, binigay ni Moreno sa bawat isang dating “solvent boys” ang tseke na nagkakahalaga ng P9,000 bilang kanilang paunang sweldo at sinabing maswerte ang mga ito dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makapagsilbi sa mamamayan ng lungsod at makatanggap ng bayad para rito.
Ayon pa sa alkalde, ang dating “solvent boys” ay ilang beses nang dinampot ng mga social worker pero tumatakas at muling bumabalik sa kalye.
Paulit-ulit lang ang ganitong pangyayari, ayon pa sa alkalde, kung kaya’t kailangang bigyan ang mga ito ng pagkakataong makapamuhay nang disente.
“Dati kayo ang hinahabol…ngayon kayo na manghahabol. Minsan kailangan n’yo lang pagtiwalaan ang inyong pamahalaan,” pahayag ni Moreno sa dating “solvent boys”.
Pinasalamatan at pinuri naman ng alkalde sina Tubera, Dennis Viaje ng MTPB at Fugoso sa pagiging kaisa niya sa pagbubukas ng pintuan sa dating “solvent boys” na ngayon ay mga empleyado na para ayusin ang kanila-kanilang buhay. (RENE CRISOSTOMO)
214
