PUMALO sa bagong record-high ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom, ayon sa survey ng Social Weather Stations.
Nabatid na naitala ang mahigit 7 milyong pamilya na nakaranas ng gutom ng isang beses sa nakalipas na tatlong buwan dahilan para pumalo ito sa 30.7.
Ngunit inaasahan ng pamahalaan na sa muling pagbubukas ng ekonomiya ay matutugunan ang kagutuman sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang programa nito na makapagbigay ng tulong sa mga tinamaan ng pandemya kung saan naglaan ng P13 billion sa ilalim ng Bayanihan 2 Act para sa mga residente sa areas na nakatakdang isailalim sa localized lockdowns.
Aniya, ipagpapatuloy rin ng labor department ang cash-for-work program at ang finance agency ay patuloy na magbibigay ng subsidy para sa small and medium businesses.
“Ang garantiya na mapababa natin ang bilang ng nagugutom ay buksan ang ekonomiya nang mas marami ang makapaghanapbuhay. Ang ayuda temporary lang yan, mas mabuting bigyan natin ng permanenteng hanapbuhay muli ang ating mga kababayan,” ayon kay Sec. Roque.
“Nananawagan kami sa lahat, alam ko pong nakakatakot ang covid pero napakita na po natin dahil halos 7 buwan nang naririyan sa atin, kapag nag-mask, hugas [ng kamay] at iwas [physical distancing] ay pupuwede naman pong magtrabaho,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sinabi pa ni Sec. Roque na makabubuti ang muling pagbubukas ng ekonomiya kahit kalahati man lang sa ngayon.
“Kung titingnan natin ang health indicators, dapat siguro manatiling sarado ang 50 porsyento ng ating ekonomiya. Kasi pag GCQ halos 50 porsyento lang ang bukas,” ang pahayag nito.
Sa ulat, sa survey ng Social Weather Stations na isinagawa noong September 17 hanggang 20, nasa 7.6 million families ang nakararanas ng involuntary hunger, o gutom dahil sa kakulangan ng pagkain sa bawat bahay sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Ibig sabihin, naungusan ang nakaraang record na 23.8 percent noong March 2012.
Ayon pa sa survey, ang hunger incidence noong Setyembre ay 9.8 percent na mataas mula sa 20.9 percent level (o estimated 5.2 million families) na naitala noong Hulyo.
Paliwanag ng SWS, ang spike ay dahil sa increase sa scores sa lahat ng mga survey areas, kung saan ang bagong record hunger rates ay naiulat sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. (CHRISTIAN DALE)
164
