“KAMBYO-KLIMA”

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

PEBRERO na naman. Ito ‘yung tinatawag ng erpat ko na panahon ng “kambyo-klima”. May oras na malamig pero biglang kakambyo ng init. Kapag mahina ang katawan ay tiyak na magkakasakit – ubo, sipon, asthma, trangkaso etc. Mas lalong mahigpit ang pangangailangan ngayon na maging mas maingat at mapangalaga sa kalusugan lalo na ang mga katulad kong senior citizens. Kung kagaya kong deklaradong persona-non-kwarta, mas todo-todo ang pag-iingat.

Mabuti at nakapagpaturok na kami ng aking esposa ng anti-pneumonia vacs pero expired na ang aming anti-flu vaccine. Walang stock ang gobyerno dito sa amin. No luck. Makadudukot sa bulsa at mababawasan ang pamalengke. Kailangang-kailangan ito sa depensa laban sa sakit. Going 72 na ako at 71 naman siya kaya dapat lang ang dobleng pag-aalaga.

Isang payo sa mga senior citizen (at maski na hindi pa senior) – consult your doctor at least once a year with complete blood test at kung ano pang medical exams na dapat gawin. ‘Wag ninyong hintayin na may sakit na kayo bago ninyo ito gawin. Baka malala na pala ang inyong karamdamam. At sa iba naman na minamalas-malas ay baka huli na. Grabe na pala. Mas malaki na ang inyong gagastusin sa pagpapagamot, may sakit pa kayo gayung puwede naman itong maiwasan.

Baluktot kasi ang argumento na bakit magpapatingin sa doktor gayung wala namang nararamdamang sakit o diperensya sa katawan. Sayang lang daw ang pera. Mali. Kumplikado kasi ang katawan ng tao lalo at tumatanda na. Akala mo ay okay lang dahil wala kang nararamdaman, ‘yun pala naman ay nagkakaroon na ng depekto sa loob. At sa oras na maramdaman ay saka pa lang pupunta sa doktor. Ang resulta kadalasan – huli na. Malala na ang diperensya ng katawan o anomang parte nito. Grabe na ang sakit.

Ito ang itinuro sa amin ng aming anak na si Tsiboy na isang nurse. Ito rin ang tip sa amin ng kanyang esposang si Kianne na isa namang medical technologist. At ang numero unong bilin – ‘WAG maging pasaway

##########

Napapanahon ang paalala ni Comelec tsip George Erwin Garcia sa mga kabataang botante – pag-aralang mabuti kung sino ang pagtitiwalaan ng kanilang sagradong boto. Gamitin ang konsensya bilang gabay sa pagpili ng kandidatong matapat at nararapat sa kanilang hinahangad na posisyon at huwag ibase ang desisyon sa mga nababasa sa social media partikular sa Facebook. Matutong magsuri ng mga kandidato at huwag umasa sa dikta ng sinoman.

Pagdidiin pa ni Garcia: “No one should be blamed for the country’s mess other than those citizens who do not choose the right leaders. We should always remember this.”

Matalim ang pitik ni Garcia. Walang ibang dapat sisihin sa kasalukuyang kalagayan ng bansa kung hindi ang mga botante na hindi ginamit ang isipan sa pagpili ng mga manunungkulan sa pamahalaan. Nagaganap at patuloy itong magaganap sa mga darating pang eleksyon. Nagsisilbing parang sira at gasgas na plaka ang sinomang nagsusulong ng makabuluhang pagbabago sa namamayaning mentalidad ng mga botante at sa sistema na rin ng halalan.

Mas lalong talamak ngayon ang korupsyon sa gobyerno, lalong dumarami ang mamamayang naghihirap ang buhay habang nagpapasasa sa salapi at kapangyarihan ang iilan sa itaas ng tatsulok kabilang ang mga politikong pinagtiwalaan ng boto, balot ng kaguluhan ang paligid at marami pang ibang depekto sa ating lipunan.

Adik na kasi sa eleksyon ang mga Pinoy. Ang marami nga ay gustong palaging may halalan upang makapanghingi ng pera sa mga kandidato kapalit ng kanilang boto. Kesehodang mandedekwat lang ang kanilang pinili basta’t nabigyan sila ng pera. Dahil sa dinadanas na kahirapan, wala na silang pakialam sa mga paliwanag ng sinomang nagsusulong ng pagbabago sa eleksyon. Mas malakas ang impluwensya ng nagrarambol na bituka dahil sa gutom. Walang puwang ang anomang rason kahit pa sabihing magpapatuloy ang kahirapan sa bansa sa pananatili ng umiiral na mentalidad ng maraming botante – mahalaga ang perang kumakalat sa panahon ng kampanyahan.

Ngunit hindi dapat sumuko ang mga nagsusulong ng pagbabago. Bagkus ay lalong pang dapat pag-ibayuhin at palawakin ang pagsasagawa ng edukasyon at pagmumulat sa mga botante lalo na sa hanay ng mga kabataan. Isang hamon ang isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) ngayong darating na Nobyembre. Masasalamin sa panahon ng kampanyahan at magigiging resulta ng halalan kung may pagbabago bang magaganap. Kung muling mamamayani ang impluwensya ng salapi, bigas at ilang de-latang pagkain sa pagpili ng iboboto, suntok na nga sa buwan ang inaasam na pagbabago.

Mas lalong mahalagang tutukan ang SK election dahil mula sa hanay ng mga ihahalal na lider kabataan ang mga susunod na manunungkulan sa pamahalaan. Kung sa panunungkulan pa lang nila sa SK ay makikita na sa kanila ang mga praktika ng mga korap na politiko, huwag na tayong umasang magkakaroon pa ng pagtino ang ating gubyerno. Itaga mo ‘yan sa bato!

##########

At dahil sa pagkabaliw ng mga Pinoy sa pulitika at sa kanilang mga idolong politiko, pinagtatawanan tayo ngayon ng buong mundo. Tanging sa Pilipinas lang na parehong sabay na pinatatalsik sa kanilang posisyon ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa – Bise Presidente at Presidente – sa pamamagitan ng impeachment.

Sa unang impeachment case ni Vice President Sara Duterte noong nakaraang taon, bagama’t ibinasura ng Korte Suprema kamakailan ang legalidad nito sa aspeto ng teknikalidad, hindi naman nagdesisyon ang mga mahistrado sa legalidad o ilegalidad ng mga kasong pumapaloob sa impeachment.

Prinsipal dito ang hindi maipaliwanag na paggastos sa P612.5 million confidential/intelligence fund (CIF) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong kalihim pa nito si Sara. Isang malaking isyu ang mga report mula sa Philippine Statistic Authority na ‘yung marami sa mga isinumiteng pangalan ng mga tumanggap ng pera mula sa CIF ng OVP at DepEd ay multo dahil wala sa talaan nila ang mga ito. Ibig sabihin, dinekwat ang pondo. Pinalalabas na may tumanggap ng pera pero nang maberipika ay huwad pala ang mga benepisaryo kagaya ni “Mary Grace Piattos”. Isa itong lantarang pagnanakaw sa salapi ng taong-bayan. Nararapat lang na kasuhan at parusahan ang utak at ang kanyang mga kasapakat sa pandarambong.

Naging basehan din ng impeachment case ni Sara ang kanyang direktang pagbabanta sa buhay ni PBBM, first lady Liza Araneta-Marcos at noon ay House Speaker Martin Romualdez. Dito lang sa Pilipinas pinagbabantaang papatayin ng bise presidente ang pangulo ng bansa na dinig ng publiko.

At sa muling pagsasabuhay ngayon ng impeachment case laban kay VP Sara, naghain din ng impeachment case ang kanyang mga disipulo laban kay PBBM.

Nakaangkla ang pagpapatalsik sa nakaupong pangulo sa umanoý pagpapahintulot niya sa kidnapping kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay sampung buwan nang nakatangkal sa piitan ng International Criminal Court sa The Hague sa kasong “crimes against humanity” resulta ng malawakang extra-judicial killings sa ilalim ng kanyang drug war noong siya ay mayor ng Davao City hanggang sa maging presidente ng bansa. Kay PBBM din isinisisi ang malawakang korupsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon (gayung siya ang nagbulgar ng mga anomalya sa flood control projects ng DPWH), bukod pa ang akusasyong isa umano siyang adik sa ipinagbabawal na droga. Husto lang sa drama pero mababaw lalo na sa paratang na bangag siya. Naging drug addict ako noong kabataan ko – para akong loko na kinakausap ang sarili sa epekto ng “downers” at “uppers” na tinitira ko (hindi lang ako nagturok) – kaya batid kong malinis si PBBM. Noong kabataan niya, natitiyak kong tumitira siya ng “coke”. Ngayon? Tumigil na rin siya kagaya ng marami sa aming henerasyon.

Sa impeachment kay PBBM at VP Sara, naniniwala akong mas may sapat at maliwanag na basehan ang mga kasong kinakaharap ng huli dahil may mga solidong ebidensya upang patunayan ang mga ito. Katunayan, nagsilbing tabak ni Damocles ito sa kanya kaya naman gumalaw ang natitirang impluwensya ng kanyang tatay sa mga mahistrado ng Korte Suprema – ang 12 sa kabuuang 15 mahistrado ay hinirang ni Digong noong siya ang nakaupo sa Malakanyang – upang bigyang preno ang unang impeachment sa pamamagitan ng kontrobersyal na desisyon na pumabor kay VP Sara kaya naisantabi ang nakaambang pagsibak sa kanya sa puwesto.

Pero sa bagong impeachment na kinakaharap niya ngayon, malabong mabigyan pa ng puwang upang muling sumingit ang Korte Suprema at pakialaman ang proseso sa Kongreso at Senado. May naghahasa na ngayon ng panibagong tabak ni Damocles. Nalalapit na ang araw ng paghuhukom.

Ang impeachment na kinakaharap ni PBBM? Pormalidad lang ang ginawang pagtanggap ng Kongreso. May kumukwestyon pa nga sa naging basehan nito. Pero pagdating sa taasan ng kamay sa kapulungan ng Kongreso, tiyak na ibabasura ito ng mga alyado ng Malakanyang na siyang bumubuo ng mayorya.

Gayunpaman, may tatak na ang Pilipinas sa mata ng buong mundo. Binubuo ito ng mga opisyales ng pamahalaan na parang mga payaso at buwaya na may iisang layunin – ang bigyang proteksyon ang kanilang pansariling interes kahit sibakin sa puwesto ang bise presidente at presidente sukdulang maging magulo ang gobyerno.

12

Related posts

Leave a Comment