7 patay, 5 sugatan 20 SASAKYAN SINUYOD NG TRAILER TRUCK

MISAMIS Oriental – Patay ang pito katao habang lima ang nasa malubhang kalagayan makaraang suyurin ng trailer truck na may kargang heavy equipment, ang 20 sasakyan, kabilang ang van na sinasakyan ng magkakamag-anak na mula sa pakikipaglamay sa isang namatay na kaanak sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon, habang tinatahak ng trailer truck na may cargang bulldozer, na minamaneho ni Vincent Abuloc, ang kahabaan ng national highway, ay biglang nabali ang chassis nito dahilan upang mabilis na sumadsad at nawala sa kontrol.

Sa pagsadsad ay nahagip nito ang 20 sasakyan, kabilang ang van ng pamilyang Monticello, Lauron at Kampion na nanggaling sa burol ng isang kamag-anak.

Kabilang din sa mga namatay sa insidente ang dalawang barangay kagawad ng Aplaya na sina Wilredo Capillador, Jr. at Lemuel Edorot.

Kasalukuyag nasa kustodiya ng Jasaan MPS ang driver ng trailer truck habang isinugod din sa ospital ang pahintante nito makaraang kuyugin ng mga nakasaksi sa insidente.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at multiple physical injuries ang driver na si Abuloc. (JESSE KABEL)

129

Related posts

Leave a Comment