MAGUINDANAO – Pito katao ang namatay habang anim na iba pa ang nasugatan, kabilang ang isang pulis, sa isinagawang joint law enforcement operation noong Miyerkoles ng madaling araw sa bayan ng Rajah Buayan sa lalawigang ito.
Ayon sa inisyal na ulat na natanggap ni PNP Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Police Director, Brig. Gen. Arthur Cabalona, isang joint law enforcement operation ang ikinasa bandang alas-4:00 ng madaling araw sa Barangay Mileb na nauwi sa engkwentro.
Ayon kay BGen. Cabalona, magsisilbi ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng CIDG-BAR, Regional Mobile Force Battalion (RMFB-14) katuwang ang Philippine Army, laban kina Turkey Utto Latip at Katindig Mustapha na may kasong murder at robbery with homicide.
Subalit bago maisagawa ang paghahain ng warrant of arrest ay pinaputukan ang mga awtoridad ng grupo ng mga suspek na nagresulta sa isang oras na sagupaan.
Kabilang sa pitong napatay sinaTurkey Utto Latip, at Katindig Mustapha at lima nilang kasamahan, habang isang pulis naman ang sugatan.
Nakuha sa mga napatay ang 10 iba’t ibang uri ng baril, kabilang ang dalawang .50 caliber Barrett sniper rifles habang nadakip naman ang limang hinihinalang kasapi sa lawless element group na pawang nasugatan din sa insidente. (JESSE KABEL)
