PALAISIPAN pa sa mga pulis ang dahilan kung bakit tinadtad ng bala ang 77-anyos na lola habang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanyang bahay sa Liliw, Laguna noong Huwebes ng gabi.
Batay sa report ng Liliw police, kasama ng biktimang si Barbara Cynthia Buzon ang kanyang apo, sa panonood ng TV sa kanyang bahay sa Barangay Sungi, nang pasukin ito ng suspek at sunod-sunod na pagbabarilin dakong alas-7:30 ng gabi.
Samantala, patay ang manager ng isang multinational company matapos tambangan ng mga hindi nakilalang gunman sa Cabuyao City, Laguna noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng Cabuyao City police ang biktima na si George Sudario, residente ng Tagaytay at manager ng electronics company na Shindengen Philippines Corps sa Canlubang, Laguna.
Batay sa report, sakay ang biktima ng kanyang Hyundai Santa Fe van patungo sa Nuvali nang tambangan ng mga suspek pagdating sa Nuvali Circle, sa Brgy. Pittland.
Agad ding tumakas ang mga suspek sakay ng hindi natukoy na sasakyan.
Isinugod naman sa Qalimed Hospital sa Sta. Rosa City ang biktima subalit binawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Narekober sa crime scene ang 6 basyo ng kalibre 45 baril.
Nangangalap na ng kuha ng CCTV camera sa lugar ang mga awtoridad upang matukoy ang mga salarin. (NILOU DEL CARMEN)
258
