8 BIYAHERO MULA SOUTH AFRICA ‘DI NA MAKITA – DOH

PAHIRAPAN ang isinasagawang paggalugad ng mga kawani ng Department of Health (DOH) para matunton ang walong biyaherong mula sa South Africa.

Pag-amin ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, nahihirapan silang hanapin ang mga nasabing indibidwal dahil sa kulang – kung hindi man mali ang mga impormasyon idineklara sa mga isinumiteng dokumento.

Partikular na hanap ng DOH ang mga biyaherong dumating sa bansa mula ika-15 hanggang 29 ng nakaraang buwan para isalang sa mga pagsusuri sa gitna ng banta ng panibagong COVID-19 variant na unang nadiskubre sa bansang South Africa. Kabilang ang South Africa sa mga bansang isinama ng pamahalaan sa “red list” – mga bansang nilapatan ng travel ban bilang pag-iingat sa posibleng pagpasok ng Omicron variant.

“Ang naging challenge natin dito ay mali-mali po ‘yung detalye sa kanilang personal information sheet,” sambit ni Vergeire sa isang panayam sa radio.

Hamon din aniya sa kanilang kagawaran ang ilan sa mga biyaherong ayaw sumagot sa kanilang tawag sa telepono, bagay na lubhang ikinababahala ng opisyal.

Gayunpaman, kumbinsido ang DOH na kanilang matutunton pa rin ang mga nasabing indibidwal sa tulong ng iba’t ibang ahensya at mga local government units (LGU).

“We already flagged the Bureau of Quarantine and the Department of Transportation regarding this matter so that they can coordinate with the specific agencies of these individuals,” ani Vergeire kasabay ng paghikayat sa mga biyahero para sa agarang pakikipag-ugnayan sa DOH regional offices para sa COVID-19 test. (RENE CRISOSTOMO)

315

Related posts

Leave a Comment