8 MANILA LGU OFFICIALS KINASUHAN SA ‘VOTE BUYING’

PORMAL nang kinasuhan ang walong nakaupong opisyal ng Asenso Manilenyo kaugnay ng paglabag sa Omnibus Election Code na may kinalaman sa alegasyong vote buying nitong nakalipas na 2022 elections.

Ang mga nahaharap sa kaso ay kinabibilangan nina Manila Mayor Ma. Shiela “Honey” Lacuna, Vice Mayor Yul Servo Nieto, mga konsehal na sina Maile Atienza, Terrence Alibarbar, Apple Nieto-Rodriguez, Joel Chua, Jhong Isip at Timothy Zarcal.

Apat na councilor candidates at kasalukuyang chairman ng distrito 3 ang nagsampa ng kaso kabilang sina Chairman Aileen Rosales, Joey Jamisola, Bernie Manikan at Caloy Cruz nitong Miyerkoles, Agosto 17, 2022.

Sinabi ni Atty. Cesar Brillantes, abogado ng district 3 candidates, pitong pahina ang kanilang sinumpaan na nagsasabing namigay ang respondents ng pera sa mga botante sa halagang P500 kapalit ng boto pabor sa Team Asenso.

Siyam na registered voters mula sa distrito 3 ang nagbigay ng kanilang salaysay bilang ebidensya na nagtuturo na si Jhong Isip ang namigay umano ng P500 habang si Atienza ay ginamit ang 4Ps kapalit ng boto.

Nakabilot pa umano ang pera sa t-shirt ng kandidato at ang iba naman ay nakasingit sa sample ballot.

Kapag napatunayang nagkasala, posibleng makulong mula 1 hanggang 6 taon, walang probation, madiskwalipika sa posisyon at mawalan ng karapatang bumoto ang Asenso Manilenyo.

Una nang nagsampa ng electoral protest si Atty. Alex Lopez laban sa Team Asenso.

Sumunod namang nagsampa ng reklamong vote buying si 6th District Councilor candidate Pablo “Chikee” Ocampo.

Ayon kay Ocampo, si Chua ang nanguna noon na pumirma sa bentahan ng Divisoria Public Market.

Magugunita rin na pinagiba ng Manila City Engineer at ni Mayor Lacuna ang mga barangay hall nina Jamisola at Rosales na ang sinasabing dahilan ay pulitika. (JULIET PACOT)

181

Related posts

Leave a Comment