8 PULIS-EPD PINAKAKASUHAN SA ‘NINAKAW’ SA BUY-BUST SA PASIG

PINAKAKASUHAN na ang walong tauhan ng Eastern Police District–Drug Enforcement Unit (EPD-DEU) matapos ireklamo ng umano’y pagnanakaw kaugnay ng ikinasang buy-bust operation sa isang bahay sa Brgy. Palatiw, Pasig City noong Disyembre 26.

Ayon kay PNP–Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Atty. Brigido Dulay, agad tinapos ng IAS ang imbestigasyon matapos lumutang ang reklamo laban sa mga pulis.

Inihanda na ang mga kasong administratibo laban sa walong sangkot, mula less grave misconduct hanggang grave misconduct, kung saan ang may pinakamataas na ranggo ay isang Police Captain habang Patrolman naman ang pinakamababa.

Nauna nang ipinag-utos ni acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mabilisang imbestigasyon sa insidente at iginiit ang zero tolerance ng PNP laban sa anomang uri ng misconduct ng kanilang mga tauhan.

Kapag napatunayang nagkasala, ayon kay Dulay, sibak sa serbisyo ang naghihintay na parusa sa mga akusadong pulis.

Samantala, pinuri ng IAS ang mabilis na pag-aksyon ng EPD sa reklamong inihain ng mga biktima, giit ng ahensya na walang sinuman ang ligtas sa pananagutan, pulis man o sibilyan.

(TOTO NABAJA)

98

Related posts

Leave a Comment