TINATAYANG 84% ng eligible population sa National Capital Region (NCR) ang inaasahan na magiging fully vaccinated laban sa COVID-19 sa buwan ng Nobyembre.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr., 75.57% ng eligible population sa NCR ang fully vaccinated at inaasahan na aabot ito ng 84% sa susunod na buwan.
Sa Disyembre naman aniya ay 92% ng populasyon sa NCR ang inaasahan na magiging fully vaccinated.
“In one month, ang projections po namin, aabot siguro tayo ng mga 84 percent, dahil ‘yung mga naka-first dose ay magsi-second dose at ‘yung mga AstraZeneca naman magpapabakuna po ‘yan by December 2, ito po ay aabot ng 92 percent,” ayon kay Abalos.
Aniya pa, ang active COVID-19 cases sa NCR ay nag-“plateaue” sa 25,000 kaso kung saan bumaba sa nagdaang rurok na 40,000 active cases.
“As of Saturday, ” ang COVID-19 reproduction rate sa Kalakhang Maynila ay 0.83, bumaba mula sa 1.9% na naitala noong Agosto 14.
“Maski may konting aberrations, what is important, look at the trend — it is all going down,” ani Abalos.
Upang patuloy ang pagbaba ng COVID-19 cases sa rehiyon, sinabi ni Abalos na ang Metro Manila Council na kinabibilangan ng 17 mayors — ay nagpatupad ng lockdowns na sakop ang 2,774 pamilya sa 397 households, 88 condominium units, 9 na gusali at 25 compounds.
“Ibig sabihin talagang maliliit na lang para ‘yung mga healthy population makapagtrabaho at gumana ang ating ekonomiya ,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)
114
