86 ESTUDYANTE, 11 IBA PA NALASON SA LUMPIA

CAMP WINSTON S EBERSOLE, San Jose, Occidental Mindoro – Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Sablayan Municipal Police Station, katuwang ang Municipal Health Office (MHO), ang insidente ng food poisoning na nagresulta sa pagkaka-ospital ng 86 mag-aaral at 6 guro ng San Francisco Elementary School, at limang iba pa noong Lunes ng umaga.

Isinugod ng MDRRMO Sablayan ang kabuuang 97 biktima

sa San Sebastian District Hospital l makaraang makaramdam ng pananakit ng tiyan, ulo at pagsusuka pagkatapos kumain ng lumpiang gulay na binili lamang sa labas ng nasabing paaralan.

Sa kasalukuyan, nasa 33 estudyante ang naka-admit sa ospital habang ang iba naman ay nakalabas na ngunit inoobserbahan pa rin ang mga ito.

Samantala, nagsagawa na rin ng pagsusuri ang MHO ng Sablayan upang matukoy ang dahilan ng pagkalason ng mga estudyante, guro at ilang indibidwal.

Gayunpaman, wala pang pormal na reklamong idinudulog sa himpilan ng pulisya hinggil sa food poisoning ngunit tiniyak ni Police Colonel Jun Dexter Danao, Provincial Director ng Occidental Mindoro, na gagawin ng pulisya ang naaayong hakbang, sa pakikipagtulungan ng LGU at DOH, upang maiwasan ang ganoong pangyayari sa iba pang lugar sa nasabing lalawigan. (RONALD BULA)

198

Related posts

Leave a Comment