86% NG BICOL POLICE FORCE NABAKUNAHAN NA

DAHIL madalas natatawag sa tungkuling maglingkod sa bayan sa kahit anong oras at sirkumstansya, pinagsikapan ng hanay ng PNP na mabakunahan ang mga miyembro nito gaya sa nasasakupan ng PNP Police Regional Office 5.

Ayon kay Regional Director Jonnel C. Estomo, ito ay upang matiyak ang pisikal na kahandaan ng mga tauhan nito sa mas epektibo at mabilis sa pagsasakatuparan ng mithiing gawing mas ligtas ang komunidad sa gitna ng hamon ng COVID-19.

Sa rehiyong Bicol, ayon sa PNP Regional Health Service, 86.24% o 9,592 miyembro ng pulisya ang nakatanggap na ng bakuna. Mula rito ay 2,849 na ang fully vaccinated at 6,743 naman ang nakatanggap na ng first dose.

Ang mga fully vaccinated ay kinabibilangan ng 886 miyembro ng PNP sa Albay; 519 sa Camarines Sur; 421 sa Sorsogon; 286 sa Masbate; 270 sa Camarines Norte; 79 sa Naga, at 59 sa Catanduanes.

Habang ang mga nakatanggap na ng first dose ng bakuna sa Albay ay umabot na sa 713; sa Camarines Sur ay 667; Camarines Norte ay 681; Catanduanes, 679; Sorsogon, 632; Masbate, 854 at Naga ay 633.

Inaasahan na sa lalong madaling panahon, ang lahat ng mga kawani ng PNP sa Bicol ay mabibigyan na rin ng bakuna bilang isa sa pangunahing hakbang upang patatagin ang puwersa habang isinasagawa nito ang iba’t ibang aksyon sa pagbibigay lunas at solusyon sa problemang pang-kalusugan sa ating nasyon.

Sa talaan ng PNP, 33,885 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong bansa kung saan 33,572 na ang gumaling na at 108 ang nasawi.

“Lingid sa ating kaalaman, ang ating magigiting na pulis ang isa sa mga nahaharap sa matinding pagsubok sa patuloy nating pakikipaglaban sa

pandemya kaya naman tayo po ay gumagawa ng paraan upang ang lahat ng mga ito ay mabigyan ng proteksyon. Nais nating gawing mas maayos ang pagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan at magagawa lamang natin ito kapag alam nating maayos ang kalagayan ng ating mga tauhan,” ani P/BGen. Estomo.

Pinaalalahanan naman ni RD Estomo ang lahat na magdoble-ingat lalo na ang mga wala pang bakuna.

“Sa ating mga kababayan, ugaliin po nating sumunod sa ipinag-uutos ng batas. Maging masunurin po tayo, para rin ito sa ating lahat.

Ugaling sumunod sa ating mga ipinatutupad na protocols at manatili na lamang

sa inyong tahanan hangga’t maari,” dagdag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)

168

Related posts

Leave a Comment