8M deboto dumalo TRASLACION 2025 GENERALLY PEACEFUL

ITO ang assessment ng Philippine National Police (PNP) sa idinaos na Traslacion 2025 para sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno na sinalihan ng tinatayang 8 milyong deboto at tumagal ng halos 21-oras bago tuluyang nakabalik sa Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazarene o Quiapo Church.

Ayon kay PNP chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, maituturing na matagumpay at masasabing payapa sa pangkalahatan ang kabuuan ng prusisyon ng Poong Hesus Nazareno bagama’t nagkaroon ng bahagyang tensyon sa prusisyon nang magtangka ang mga deboto na buwagin ang barikada. Subalit agad namang napahupa ang tensyon at tumakbo nang maayos ang andas.

Sa ulat na ipinarating ni Police Brigadier General Ponce Peñones Jr., Deputy Director for Operations ng PNP-National Capital Region Police Office, sa tanggapan ni Gen. Marbil, idineklara nitong “the event was “generally peaceful.”

“Wala tayong reported na any untoward incident except for minor incident ‘yung mga medical emergency na kung saan may nahihimatay. May mga nasugatan sa paa,” ani PBGen. Peñones.

Base rin ito sa ito sa ulat ng Philippine National Red Cross na umabot sa isang libong katao ang kinailangang lapatan ng lunas.

Nabatid na bandang ala-1:26 ng madaling araw ay ganap nang naibalik ang imahe ng Jesus Nazareno sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno.

Kasunod nito, pinuri ni Marbil ang mga pulis na nagbantay ng seguridad sa Traslacion.

Ayon kay Marbil, naipatupad ng iba’t ibang security agencies ng pamahalaan ang kanilang inilatag na security blanket dahil sa kanilang ipinakitang dedikasyon sa trabaho at kahanga-hanga umano ito. (JESSE KABEL RUIZ)

11

Related posts

Leave a Comment