POSIBLENG mabulok sa kulungan ang isang bading makaraang masakote sa inilatag na entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong ilako ang siyam na babae sa halagang P5,000 bawat isa sa Cotabato City.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge Director Eric Distor ang nadakip na si Bai Sofia Tuas, alyas “Bea/Pia”.
Batay sa ulat ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (NBI-BARMM), nadiskubre ang ilegal na gawain na pambubugaw ni alyas “Bea” o alyas “Pia” sa ikinasang surveillance operation dahil sa mga sumbong ng ilang citizen.
Dahil dito, agad nagkasa ng entrapment operation at isa sa mga tauhan ng NBI ang nakipagtransaksyon kay Tuas para sa ‘sex service’.
Sila ay nagkasundo sa halagang P5,000 para sa serbisyo ng bawat isa sa siyam na babae.
Nagkita ang operatiba at ang suspek sa isang hotel sa Cotabato City noong Agosto 18 kung saan dadalhin ang mga babae.
Hindi nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga awtoridad makaraang tanggapin ang marked money sa loob ng isang silid ng hotel habang nasagip naman ang siyam kababaihan na inilalako ni Tuas.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9208 na inamiyendahan ng RA 0364 (Human Trafficking) sa Cotabato City Prosecutor’s Office. (RENE CRISOSTOMO)
192 