LIMA ang patay nang mawalan ng preno ang isang truck sa national road sa Lower Mesolong, Brgy. Sto. Niño sa bayan ng Talaingod sa Davao del Norte noong Linggo ng umaga.
Ayon sa Davao del Norte PPO, kabilang sa nasawi ang tatlong menor de edad.
Batay sa imbestigasyon, nasa 25 tao ang sakay sa Isuzu truck at patungo sa beach sa bayan ng Mabini, Davao de Oro.
Ngunit pagsapit sa palusong at kurbadang bahagi ng kalsada, nawalan umano ng preno ang truck.
Tuluyang nawalan ng kontrol ang driver sa minamaneho nito at nagpagewang-gewang ang truck hanggang sa tumagilid at nahulog sa creek sa tabi ng kalsada, kung saan tumilapon ang ilang pasahero na karamihan ay nakasakay sa likuran.
Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, lima ang namatay sa insidente.
Isinugod ang 20 mga sugatan, kabilang ang driver, sa Kapalong District Hospital.
Samantala, agad binawian ng buhay ang apat na sakay ng isang kotse habang tatlo pa ang malubhang nasugatan matapos na sumalpok sa isang cement mixer truck sa Dumaguete City sa lalawigan ng Negros Oriental noong Sabado.
Batay sa police report na ibinahagi ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO), sakay ng isang Toyota Avanza ang mga nasawi na pawang nagmula pa sa Luzon.
Ayon kay NOPPO spokesperson Lt. Stephen Polinar, pansamantalang hindi muna kinilala ang mga biktima na isang lalaki at tatlong babae, habang hindi pa nasasabi sa kanilang kapamilya.
Lumitaw sa imbestigasyon, tinatahak ng Avanza ang southbound lane ng national highway dakong alas-4 ng umaga noong Sabado nang makabanggaan nito ang truck na galing naman sa northbound direction, pagsapit sa pakurbang bahagi ng diversion road, sakop ng Barangay Batinguel.
Dead on the spot ang apat na mga biktima, habang isinugod naman sa
Silliman University Medical Center ang tatlo pang mga sugatan na pawang teenagers.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang 43-anyos na driver ng mixer truck, na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicides at multiple physical injuries. (NILOU DEL CARMEN/JESSE KABEL RUIZ)
