‘BuCorTel’ sa bakuran ni General Catapang? HIGH VALUE CHINESE PRISONERS MISTULANG NAKA-HOTEL

MALA-HOTEL na pasilidad sa loob ng BuCor na pinauupahan kada araw sa High Value Chinese Prisoners, nabuking sa bakuran ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang.

Tuloy-tuloy ang pamamayagpag ng mga maimpluwensiyang bilanggong foreigners na karamihan ay Chinese nationals, dahil sa mala-hotel na bilangguan sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro.

Ito ay dahil sa pagpapahintulot umano ni General Catapang. Sinasabing may tinatanggap na bayad mula sa mga foreigner na gustong gumamit ng pasilidad.

Napag-alamang nangyayari ang paghahari-harian ng mga dayuhang bilanggo simula sa termino ni Catapang, kung saan malakas umano ang loob ng naturang opisyal na ginagamit madalas ang pangalan ng kanyang kaibigang si dating DOJ Secretary Crispin “Boying” Remulla na ngayo’y kasalukuyang Ombudsman.

Kaya’t malakas umano ang loob dahil ka-brad pala nito.

Totoo ba ‘yan Mr. Ombudsman Boying? Kaya naman pala tuloy-tuloy ang kitaan dyan sa loob ng mga bilangguan sa BuCor at ginagawang source of income pala talaga.

Ang tanong, magkano ang bayad kada unit ng mala-VIP sa loob ng compound ng BuCor dyan sa Sablayan? Mayroong isang gusali na may tinatayang sampung kuwarto na pang-VIP para lamang sa mga nakukulong mula sa Chinese community, kung saan nagpapapasok pa umano ng mga chicks na animo’y motel ang nasabing bilangguan.

Imbes na doon pagdusahan ang kanilang mga kasalanan ay puro pagpapasarap pala ang ginagawa ng mga bilanggo.

Bukod pa rito, natuklasan pang may visiting area na pinatatakbo mismo ng Chinese community sa loob ng BuCor, imbes na ang pamahalaan ang nagpapatakbo, talaga ba general?

Ang sabi nga ng kaibigan natin sa loob ng BuCor, lahat ng gusto mo kahit kontrabando iyan, kayang ipalusot at gawing legal basta idaan lamang sa Deed of Donation para pasok pa rin sa loob ng bilangguan, para maging legal.

Kaya naman merong TV, fully air-conditioned pa ang naturang kulungan at baka sa susunod ay may mag-donate pa ng bathtub sa bilangguan para sa mga bilanggong untouchables, hindi malayong mangyari ‘yan.

Kaya naman nagmistulang inilipat lamang ang mga sinira noon na marangyang mga kubol mula sa dating New Bilibid Prison patungo sa jail compound ng BuCor sa probinsya ng Occidental Mindoro.

Nabatid pa natin mula sa isang BuCor official na tumanggi muna mapangalanan, na may ilang high profile na bilanggo na karamihan ay Intsik, ang inilipat na dyan sa nabanggit na bilangguan.

Magkano kaya ang kitaan dyan per night sa VIP rooms ng BuCor sa Sablayan?

Bukod pa dyan, labas-masok pa ang mga alak, sigarilyo at posible pang may kasamang droga sa loob ng naturang compound ng BuCor.

Sumabit din si Catapang sa mga lumutang kamakailan na 18 ex-marines, na nagbuking na may male-maletang pera ang nire-remit kay dating congressman Zaldy Co, kung saan may nag-deliver na tinanggap umano ni Catapang sa basement na paradahan sa Shangri-la Hotel, BGC, ang male-maletang pera base na rin sa inilabas na joint affidavit ng mga dating marines.

Aba naman, sangkot din pala itong si Catapang sa mga ghost project ah.

Ibinulong kamakailan ng isa pang opisyal ng BuCor na itago na lang muna natin sa pangalang Mr. C, na meron din ghost project si Catapang, na pinagkakitaan umano ang isang proyektong gusali para maging kulungan subalit hanggang ngayon ay nganga pa rin at hindi ipinatupad kahit pinondohan na ito ng gobyerno.

Fully paid na umano ang contractor pero poste pa lang ang naitatayo.

1

Related posts

Leave a Comment