(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
WALA nang maaasahang electoral reforms sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mistulang pag-abandona sa mga sumuporta sa kanya.
Ayon kay Atty. Glen Chong, matapos nilang ipaglaban noon ni Marcos Jr. na magkaroon ng electoral reform sa bansa ay nawala na ito sa agenda ngayong nanalo na ang Pangulo.
Sa vlog ni Maharlika noong nakalipas na Hunyo, unang inilabas ni Chong, dating kinatawan sa Kongreso ng lalawigan ng Biliran, ang kanyang himutok sa tila pagtalikod ni Marcos Jr. sa kanilang ipinaglaban.
Simula 2010 ay nanindigan na laban sa Smartmatic si Chong.
Aniya, noong 2016 ay nagpatulong sa kanya si Marcos kaya magkasama nilang ipinaglaban ang pagdiskwalipika sa Smartmatic.
“We fought for 6 years. Sinabi ni BBM na walang binebenta ang Smartmatic kundi dayaan. Panindigan mo ‘yang sinabi mo.
Issue mo yan from 2016 to 2022 ngayong nanalo ka na kakalimutan mo? What about those people who believed in you,” may halong panunumbat na sabi ni Chong.
“Nag-expect ang taumbayan na you will deliver electoral reforms because ito yung pinaglalaban mo. Sinabi mo dinaya ka, naniwala ang taumbayan, tapos ngayon nanalo Smartmatic ulit. That precisely what push me to expose you to the public,” dagdag pa ng abogado.
Noong isang linggo, kasama si Chong ng grupong TNTrio na nagdaos ng press conference kung saan inilahad niya ang pakikipagkita umano ni First Lady Liza Araneta Marcos (LAM) kay Smartmatic President Roger Piñate bago ang eleksyon noong 2022.
Ang nasabing impormasyon ay bahagi ng kanilang sinumpaang salaysay na ipinasa sa Comelec kaugnay ng mungkahi nilang imbestigahan ang mga iregularidad sa nakaraang halalan.
Alinsunod sa kontrata ng Smartmatic sa Comelec, bawal itong makipagkita sa sinomang presidential candidate.
Ang Smartmatic, election technology provider, ay ilang beses nang inakusahan ni Chong ng pagkakasangkot sa mga anomalya mula pa nang ito ay makipag-partner sa Comelec noong 2010, ang taon ng unang automated elections sa Pilipinas.
307