Dahil sa bagsak na ratings, Marcos hugas-kamay na IPAPALIT SA DA, MAY ‘CONFLICT OF INTEREST’

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

AGAD umani ng magkakaibang reaksyon mula sa iba’t ibang sektor ang usap-usapang nakapili na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng papalit sa kanya para mamuno sa Department of Agriculture (DA).

Ayon sa umugong na balita kahapon, ang fishing tycoon na si Francisco Tiu Laurel Jr., ang napipisil ni Marcos na kalihim ng DA.

Nangangamba naman ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) dahil kilala ang kumpanya ni Laurel bilang large-scale fishing company at sangkot din umano ang kumpanya nito sa land reclamation activities sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad.

Maliwanag umanong may conflict of interest sakaling si Tiu ang italaga ni Marcos sa naturang ahensya.

Pabor naman si Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) president Danilo Fausto sakaling si Laurel na ang maging kalihim ng DA.

Nauna rito, inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may mga pinagpipilian na si Marcos para italagang DA secretary.

Kaugnay nito, may mga naniniwalang may kinalaman ang sumasadsad na trust at approval rating ni Marcos sa desisyon nitong lisanin ang DA.

Isa sa mga puna kay Marcos ay ang kabiguang tugunan ang mga problema sa agrikultura tulad ng mataas na presyo ng pagkain.

Hindi naman ikinagulat ng Gabriela na kinakatawan ni Rep. Arlene Brosas ang pagbulusok ng trust at approval rating ni Marcos Jr., dahil habang tumatagal ay parami nang parami aniya ang atraso nito sa sambayanang Pilipino.

Ginawa ng grupo ni Brosas ang pahayag kasunod ng resulta ng survey ng Pulse Asia noong September 6-11, 2023 kung saan nabawasan ng 15% ang approval rating ni Marcos habang 14% naman ang natapyas sa kanyang trust rating.

Mula anila nang maupo si Marcos ay lalong lumala ang kalagayan ng mga Pilipino taliwas sa pangako nito na magandang buhay noong nanliligaw pa lamang ito ng boto.

Mistulang pulubi rin anila ang turing ng Pangulo sa mga manggagawa dahil kahit alam nito na P1,200 ang kailangang budget ng isang pamilya araw-araw ay binigyan lang niya ang mga ito ng P40 na umento sa sahod.

Maliban kay Senate President Juan Miguel Zubiri, double digit din ang nawala sa trust at approval rating nina Vice President Sara Duterte, Speaker Martin Romualdez at Supreme Court (SC) Chief Justice Alexander Gesmundo.

“This drastic drop in approval ratings is not merely a statistical occurrence but a resounding message from the Filipino people. It manifests their growing discontent with the Marcos-Duterte tandem, which has been recently involved in anomalies of squandering of public funds through billions of confidential funds revealed during the 2024 budget deliberations in the House of Representatives,” dagdag pa ng organisasyon nina Brosas.

(May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

357

Related posts

Leave a Comment