SINO ANG TAGA-KUMPAS?

FOR THE FLAG

Nagkakaisa ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Na­ngunguna ang Rappler, sinusundan ng PCIJ, inaayudahan ng ilang babasahing magasin at dyaryo, at pipitikin ng ilang news program sa telebisyon.

Nagkukunwaring balita ang mga tirada. Sa biglang tingin ay mapapaniwala ang sinuman. Ngunit kapag ina­nalisa mo na ay lumalabas na nit-picking lamang ang mga pag-atake, paghaha­nap ng butas sa administras­yon.

Bakit hinahanap ang butas samantalang nakabalandra naman ang mga nagagawa ng administrasyon?

Kapag ganyan na ang usapan, mapapaisip ka, sino ang kumukumpas? Sino ang nasa likod ng mga pantira at paninira?

Alam na ng taumbayan na marami nang nagawa ang pangulo, pero ang mga tinutumbok kong media outfit at mga programa ay tahasang sasabihing walang nagagawa ang kasalukuyang administrasyon.

Kumbaga ang puti ay ginagawang itim, at ang tama ay ipinangangalandakang mali. Bakit kailangang ganoon ang gawin ng mga kritiko? Ano ang layunin?

Ego trip lang ba? Medyo mababaw ‘yun. May kasama marahil na ego trip, ngunit may mas malalim na agenda.

Banaag naman ng mamamayan kung ano ang objective ng mga ito, ang mapanatili ang status quo.

Gusto ng kumukumpas na mapanatiling hanggang kaguluhan na lamang ang mga Filipino, sadlak sa kahirapan habang ang mga mayroong kayamanan ay lalo pang magpayaman, at ang mga nasa kapangyarihan ay manatiling sila-sila pa rin.

‘Yan ang status quo, pero sino ang makikinabang sa status quo? Malamang hindi ang mga mahihirap at mahihinang mga Filipino, kundi ang mga pinakamayayaman at maimpluwensyang Filipino. Kung gayon, kung may kumukumpas sa mga kritikal na media laban sa admi­nistrasyon ay malamang sa malamang ay kabilang sa pinakamaya­yamang Filipino o oligarkiya.

Tumpak, ‘yun na ‘yun. Nakakatakot para sa mga pinakamayayamang Filipino ang radikal na nagaganap na mga pagbabago sa ating lipunan ngayon sa ilalim ng administras­yon ni Pangulong Duterte, kaya hindi nila hahayaang magtagumpay ang pagbabago.

Nakita naman ninyo ang ginawa sa Bayanihan Federalism ni Duterte ‘di ba? Bi­naboy lamang sa Mababang Kapulungan. Gumawa ang mga kongresista ng kanilang sari­ling bersyon ng pedera­lismo na taliwas sa diwa ng Bayanihan Federalism.

Kaya kayong mga media na kinukumpasan upang maghanap ng butas sa administrasyon, medyo kwidaw kayo at baka hindi maging mabait sa inyo ang kasaysayan.  (For the Flag / ED CORDEVILLA)

140

Related posts

Leave a Comment