(DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
NAGBABALA si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na posibleng abutin ng ilang buwan o taon na matutulog ang inilagak na P50 billion ng Land Bank of the Philippines at P25 billion ng Development Bank of the Philippines sa Maharlika Investment Fund kung hindi ito ibabalik sa dalawang bangko.
Sinabi ni Pimentel na maaari kasing matagalan pa ang pagpe-perfect sa sinasabing problema sa Implementing rules and regulations ng Maharlika Investment Fund Act bukod pa sa aabutin din ng ilang buwan ang pagbuo ng korporasyon at pagkuha ng mga eksperto na mamamahala sa pondo.
Upang maiwasan anya ang posibleng hindi magandang epekto sa stability ng dalawang bangko ay mas makabubuting ibalik na muna ng National Treasury ang pondo sa kanila.
Sa kabilang dako, naninindigan si Pimentel na dapat nang abandonahin ang batas dahil ito ay unconstitutional.
“Ako naninindigan ako na unconstitutional ang batas, iabandon na lang nila ang Maharlika project pero in the meantime isauli na ang pera ng Land Bank at DBP, otherwise matagal-tagal na panahon ‘yan na matutulog dyan kasi may pineperfect pa sila, meron pa kailangan iorganize na korporasyon, may kaso pa sa Supreme Court,” diin ni Pimentel.
Hinimok din ng senador ang executive department na mag-regroup, o mag-usap-usap muna bago maglabas ng anomang memorandum o circular o kautusan na bandang huli ay babawiin din.
“To be more professional mag meeting muna sila bago maglabas ng memo o circular,” pahayag ni Pimentel.
Diniga sa Saudi
Todo diga naman si Finance Secretary Benjamin E. Diokno at tiniyak sa mga potential investor sa Riyadh, Saudi Arabia na “safe investment” ang Maharlika Investment Fund (MIF) sa kabila ng kontrobersiya dito.
Sa isinagawang roundtable meeting kasama ang mga potential investors, sinabi ni Diokno na “top priority” ng administrasyong Marcos ang ingatan ang MIF at ang investments nito.
“The MIF is founded on the Santiago Principles reflecting appropriate governance and accountability mechanisms and the conduct of sound and prudent investment practices by sovereign wealth funds,” ayon kay Diokno.
Ang Santiago Principles, binubuo ng 24 Generally Accepted Principles and Practices para sa sovereign wealth funds ang nagsisilbing pundasyon ng International Forum of Sovereign Wealth Funds (IFSWF).
Matatandaang, Oktubre 12 nang ipalabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang memorandum na nagsususpinde sa pagpapatupad ng implementing rules and regulations (IRR) ng MIF Act.
Agad namang nilinaw ng Pangulo na magpapatuloy ang implementasyon ng MIF gaya ng plano ngayong taon.
“We look forward to your partnership and investment as we proceed with the full operationalization of the Fund by the end of 2023,” pananalita ni Diokno sa Saudi investors.
211