MAS naging agresibo ang China Coast Guard nang muli nilang gitgitin ang mga barko ng Pilipinas na magsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal, nitong Biyerness at gamitan sila ng water cannon at salubungin ng dangerous maneuvers sa bahagi ng West Philippine Sea.
Agad na kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea, ang ginawang pag-harass at ‘dangerous maneuvers’ ng CCG at China Maritime Militia sa supply boats ng Pilipinas na Unaizah Mae 1 at M/L Kalayaan bandang alas-7:00 ng umaga.
“China Coast Guard (CCG) and Chinese Maritime Militia (CMM) vessels recklessly harassed, blocked, executed dangerous maneuvers in another attempt to illegally impede or obstruct a routine resupply and rotation mission to BRP SIERRA MADRE (LS 57) at Ayungin Shoal,” ayon sa NSC.
Ginamitan pa ng China Coast Guard 5203 ng water cannon ang M/L Kalayaan upang sirain ang rutang tinatahak nito bukod sa paggamit ng mas mabilis na Rigid Hulled Inflatable Boats ng China Coast Guard para lamang ma-harass ang mga barko ng Pilipinas sa loob mismo ng lagoon ng Ayungin Shoal para mapigilan ang paglapit ng supply boats sa nakasadsad na BRP Sierra Madre ng Philippine Navy.
Subalit dahil sa galing at tapang ng mga marinerong Pinoy ay nabigo ang China na pigilan ang resupply mission ng mga barko sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Kinondena ng China ang anila’y ilegal na pagpasok ng barko ng Pilipinas sa kanilang inaangkin na territorial waters malapit sa Ren’ai Jiao.
Ayon sa statement ng Chinese Embassy sa Pilipinas, tinutukoy nito ang anila’y dalawang maliit na cargo ships at tatlong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na ilegal daw na pumasok sa nasabing karagatan.
Ayon pa sa Tsina, ito raw ay paglabag sa kanilang soberenya at sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.
Kaugnay nito, umapela rin sa Pilipinas ang China na iwasan na anila ang mga katulad na paglabag.
Tiniyak din ng Tsina na ipagpapatuloy nila ang pagbabantay sa kanilang mga teritoryo at ang pagprotekta sa kanilang soberenya.
Samantala, nagpahayag na rin ng pagtutol at pagkondena ang Philippine Embassy sa Beijing sa ikinilos ng kailang puwersa kasabay ng pagdulog sa Maritime Communications Mechanism.
“The Department of Foreign Affairs has also reached out to them and conveyed our protest directly through the Maritime Communications Mechanism. We firmly insist that Chinese vessels responsible for these illegal activities leave the vicinity of Ayungin Shoal immediately,” dagdag pa ng NSC.
(JESSE KABEL RUIZ)
203