PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAKAAALARMA na ang pagdami ng bilang ng mga kaso ng pagdukot, kidnap for ransom at pagpatay sa Chinese nationals sa bansa na pawang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers na sinasabing dinukot at ipinatutubos ng mga kapwa nila Chinese.
Noong nakaraang Linggo, tatlong Chinese national na pawang POGO workers, ang na-rescue sa Meycauayan, Bulacan.
May ulat din na isang babae at isang lalaki na pinaniniwalaang Chinese nationals, ang pinatay at itinapon sa isang construction site sa Laguna.
Ayon sa report, dalawang bangkay ng hinihinalang mga biktima ng kidnapping ang natagpuan sa isang construction site sa Barangay San Miguel, Alaminos, Laguna noong Sabado ng umaga.
Sa imbestigasyon, isang babae at isang lalaki ang mga biktima na kapwa nakaposas ang mga kamay saka isinilid sa sako.
Wala pagkakakilanlan ang mga bangkay na ayon sa mga pulis ay Chinese base sa kanilang facial features.
Nababahala ang mga awtoridad sa sunod-sunod na kidnapping at itinapong mga bangkay sa iba’t ibang lugar.
Nitong Todos Los Santos, dalawang bangkay rin ang natagpuan sa bangin sa gilid ng Marilaque Highway sa Tanay, Rizal.
Wala pang isang Linggo, noong Nobyembre 6, dalawa ring bangkay na nasa ‘state of decomposition’, ang natagpuan sa ilalim din ng bangin sa nasabi ring highway na sakop naman ng Sitio Tigkay, Brgy. Magsaysay, Infanta, Quezon. Pawang wala pang pagkakakilanlan ang natagpuang mga bangkay.
Dalawang Chinese national naman ang nadakip ng PNP-Anti Kidnapping Group at Meycauayan PNP matapos ma-rescue ang tatlong Chinese nationals na dinukot at dinala sa bahay sa isang subdivision sa Brgy. Pandayan, Meycauayan, Bulacan noong Biyernes.
Ayon sa pulisya, dinala ng punong sekyu ng subdivision sa kanilang himpilan ang isang lalaking Chinese na sugatan na sinasabing tumalon mula sa 3rd floor ng bahay habang nakaposas.
Sa isinagawang imbestigasyon ang PNP-AKG sa sinasabing bahay, doon nakita ang dalawa pang biktima na nakapiring at nakagapos, na dumaan sa pagpapahirap matapos silang dukutin, dalawang linggo na ang nakalilipas.
Nabatid na ang mga biktima ay dating nagtatrabaho sa isang POGO.
Kaya patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad na kinasasangkutan ng Chinese nationals.
Imbes na makatulong ang POGO sa bansa para magkaroon ng trabaho ang mga Pinoy ay nakaperwisyo pa ito dahil karamihan naman sa mga ito ay pawang Chinese nationals ang kanilang mga manggagawa.
Hindi lang sila ordinaryong mga manggagawa kundi ilan sa kanila ay gumagawa ng kalokohan na nagiging dagdag pang trabaho ng mga awtoridad.
Nariyan din ang ginagawang pambu-bully ng Chinese nationals sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Kung perwisyo na sila, kailangan nang higpitan ng gobyerno ang mga ito para hindi na sila makapasok sa bansa.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
275