PHILHEALTH CONTRIBUTION HIKE PINAHAHARANG KAY BBM

HINDI dapat hayaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na dagdagan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pasakit sa mga manggagawa na ngayon ay hirap na hirap na dahil sa mababang sahod at mataas na presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, kung may awa si Marcos sa mga manggagawa ay dapat nitong atasan ang PhilHealth na suspendehin ang implementasyon ng premium hike ngayong taon na aabot sa 4% hanggang 5%.

“Such premium rate hike will also equate to higher income deductions for wage and salary workers who are struggling with nonstop price hikes of basic goods and services,” ayon sa kongresista.

Kapag naipatupad ang premium hikes, magiging P500 na ang buwanang kontribusyon ng mga manggagawa na sumasahod ng P10,000 kada buwan mula sa kasalukuyang P4.50 habang P5,000 naman sa mga sumasahod ng P100,000.

Ganito rin ang halaga na babayaran ng mga employers na ayon kay Brosas ay magkakaroon ng domino effect.

Bukod dito, hindi pa aniya napapanagot ang mga sangkot sa katiwalian sa PhilHealth kaya hindi makatarungan na magdagdag ang mga ito sa sisingiling kontribusyon sa kanilang mga miyembro.

Tinukoy ng lady solon ang P15 billion unauthorized release ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) noong 2020.

Nais din paamyendahan ng mambabatas ang Universal Health Care Act para alisin ang probisyon ukol sa automatic increase sa premium hike ng mga PhilHealth contributors.

Kaugnay nito, sisikapin ni Senador JV Ejercito na maisulong at maaprubahan ngayong taon ang panukalang naglalayong amyendahan ang Universal Health Care law partikular ang probisyon na may kaugnayan sa dagdag na premium sa Philhealth.

Hihikayatin ni Ejercito ang liderato ng Senado na iprayoridad ang pagtalakay sa kanyang panukala na naglalayong ibaba muna sa 3.5 percent sa halip na 5 percent ang increase sa premium sa PhilHealth.

Iginiit ng senador na ngayong bumabawi pa lamang ang marami sa mga Pilipino mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, hindi makatwirang patawan agad sila ng mataas na premium.

Ipinaliwanag ni Ejercito na nang kanilang isabatas ang Universal Health Care ay wala pang pandemya kaya’t kanilang isinama ang 5% increase.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

264

Related posts

Leave a Comment