ISANG high value target ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang anti-narcotics operation sa Brgy. Salvacion, Murcia, Negros Occidental.
Base sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General, Under Secretary Isagani Nerez, pagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEA RO NIR-Regional Special Enforcement Team (PDEA RO NIR-RSET), katuwang ang Murcia Municipal Police Station (Murcia MPS) at CGIU–NNOC, sa Brgy. Salvacion, bayan ng Murcia.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa isang high-value target (HVT) na kinilalang si alyas “Yummie”, 38-taong gulang, at residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska sa operasyon ang labing-isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 51 gramo, at may street value na aabot sa P346,800.00.
Nasamsam din ang buy-bust money, isang improvised glass tooter, isang disposable lighter, isang itim na sling bag at coin purse, isang Android mobile phone, at P900.00 na nakumpiskang salapi.
(JESSE RUIZ)
2
