DPA ni BERNARD TAGUINOD
NOONG bata pa kami ay may abayao kami na pinaglalagakan ng aming ani o pinag-anihan. Ang tawag ngayon sa abayao ay bodega. Ang pagkakaiba lang ay elevated ang abayao at ang ilalim naman niya ay silungan ng mga manok at baboy at iba pang alagang hayop kaya medyo malayo-layo sa pinakabahay namin.
Lahat ng mga tao ay may abayao na pinaglalagakan ng ani o pinag-anihan at tuwing nauubos ang bigas ay kukuha lang doon para ipagiling kaya wala akong maalala na may nagkukulang ng bigas noong bata pa kami.
Ngayon wala nang nag-aabayao dahil kapag anihan, kahit basa pa ay idinederetso ng mga magsasaka sa rice traders para ibenta agad lalo na’t wala namang drying facilities sa karamihan sa mga probinsya.
Bihira na rin ang mga tao na nakikitanim dahil ang katuwiran nila ay mayroon naman silang ayuda tulad ng 4Ps. Noon kasi ang patakaran…kapag ikaw ang nagtanim, ikaw rin ang mag-aani pero dahil sa 4Ps ay nagkatamaran na.
Kaya ang opsyon ng mga magsasaka ay magbayad ng grupong magtatanim. P10,000 ang bayad sa bawat ektarya. Kapag anihan ay gagamitan na lamang ng makina kaya hindi mo na kailangan ng mga maggagapas.
Hindi tulad noon na kapag anihan, kahit papaano ay nakakaipon ng tersya ang mga nakikitanim at nakiki-ani lang. Sa bawat 6 na kaban na maani niya ay isang kaban ang sa kanya kaya kung solo niya ang isang ektarya na gapasin at makakaani siya ng 100 kaban, mayroon siyang mahigit 16 na kaban.
‘Yung kalahati sa kanyang tersya na pinakabayad niya sa pag-aani ay ibibenta niya at ‘yung natitira ay ilalagay sa abayao para maging supply nila habang naghihintay ng susunod na anihan, kaya hindi na sila kailangang bumili ng bigas.
Ang problema ngayon ay wala nang nag-aabayao at wala nang nakikitanim at nakikiani dahil sa ayuda at maging ang mga may-ari ng mga sakahan ay hindi na rin nag-iipon ng palay para maging supply nila habang naghihintay ng susunod na anihan dahil diretsong ibinebenta na sa rice traders.
Kaya hindi na ako magtataka kung bakit marami ang nagugutom dahil marami na ang mga tamad at nawala na ang tradisyon ng abayao. Walang nag-iipon para may magamit sa tag-ulan, ayon nga sa kasabihan.
Ngayon ay P55 na ang pinakamurang bigas sa binibilhan ko. May naka-display nga na price tag na P52 at P54 pero walang laman ang lalagyan, at kapag tinanong mo kung bakit walang laman ang kanilang lalagyan, sasabihin nila sa iyo na pinakyaw ng mga tao.
Ang punto ko, bakit hindi ibalik ang dating nakagawian na abayao. Himukin ang mga tao na magtira ng kanilang ani para hindi na sila bibili ng bigas kapag ubos na ang kanilang supply at hindi sila magutom.
At isa pa, dapat sigurong sabihan ang 4Ps beneficiaries na huwag lang umasa sa ayuda. Hindi man lahat ay marami ang naging tamad at tinamad nang magbanat ng buto dahil sa ayudang ganyan. Okey na bigyan sila ng ayuda pero huwag lang ‘yun ang asahan nila.
115