DIGONG KAY BBM: SABAY TAYONG MAGPA-DRUG TEST SA LUNETA

UPANG patunayan kung sino sa kanila ang gumagamit ng ilegal na droga, hinamon ni dating pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sabay silang magpa-drug test sa Luneta.

Sa isang press briefing sa Davao City, sinabi ni Duterte na sa isang independent entity o doktor dapat magpakuha ng dugo si Marcos.

“Set it in Luneta Park, magpakuha siya ng dugo doon [from] independent entity or doctor. Magpakuha rin ako, sige pati ako, pakuha siya ng blood test,” ani Duterte.

Dagdag ni Duterte, may isa ring opisyal ng Gabinete ang kasama umano ni Marcos na gumagamit ng cocaine.

Ito ay sa kabila ng magkakasunod na pahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) na wala sa kanilang watchlist si Marcos. Maging ang Armed Forces of the Philippines ay nagsabing wala silang dossier o impormasyon na gumagamit ng droga ang Pangulo.

Kinontra ni Duterte ang PDEA at nangakong ilalabas niya sa publiko ang listahan kapag nakuha na niya ang nasabing dokumento.

“Sabi mo ngayon, ‘yung PDEA wala raw record. Itong mga PDEA, mga ugok ‘to. Sino ba namang PDEA magbigay… ‘Sir, ito yung record mo d’un sa narco,” ayon kay Duterte.

“But anyway, hanapin ko ‘yun. As soon as it is in my hands, I will release it,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, tinawanan na lamang ni Pangulong Marcos ang mga alegasyon ni Duterte.

Fentanyl Legal, Cocaine Hindi

Ito naman ang sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque bilang pagdepensa kay Duterte matapos buweltahan ni Marcos Jr. na posibleng epekto ng Fentanyl ang mga akusasyon nito.

“Legal naman po ang fentanyl,” ayon kay Roque sabay sabing “ang cocaine ay ang pinagbabawal.”

Habang pinag-uusapan ang kanyang kalusugan sa panahon ng kanyang termino noong 2016, sinabi ni Duterte na niresetahan siya ng fentanyl para sa kanyang spinal pain.

Aniya, aksidenteng gumamit siya ng isang buong patch sa halip na 1/4 lang.

“You have never been to paradise but I’ve been there. Parang paradise noong gamit ko,” dagdag na pahayag nito.

Aniya, pinagbawalan siya ng kanyang doktor nang makita nito na gumagamit siya ng buong patch.

(JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE)

179

Related posts

Leave a Comment