IKINATUWA ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang paglalagay ng Marcos administration sa kanyang panukalang pagbasura sa travel tax bilang isa sa mga pangunahing panukala ng 20th Congress.
Ito ay matapos ihayag ng Malacañang noong Pebrero 9, 2026 na kabilang ang naturang panukala sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“This is good news for thousands of travelers as it will make travel more accessible for Filipinos,” ayon kay Cayetano.
Inihain ng senador ang Senate Bill No. 424 noong Hulyo 10, 2025 na naglalayong pagaanin ang gastusin sa pagbiyahe ng mga Pilipino, palakasin ang turismo, at patibayin ang ugnayan ng bansa sa mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
“All Filipinos, especially senior citizens and persons with disabilities, must be able to travel freely, without any form of hindrance. This is a right guaranteed by the Constitution,” paliwanag ni Cayetano sa explanatory note ng panukala.
Ipinaalala ng senador na unang ipinataw ang travel tax sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183 na nilagdaan halos limang dekada na ang nakalipas, at hindi na umano ito angkop sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya at rehiyon.
Sa ilalim ng panukala, aalisin din ang travel tax para sa mga biyahero mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN bilang suporta sa mas matibay na kooperasyon sa rehiyon. Bahagi ito ng pagtupad sa ASEAN Tourism Agreement noong 2002 na naglalayong unti-unting alisin ang travel tax sa pagitan ng mga kasaping bansa.
Ayon pa kay Cayetano, batay sa pag-aaral ng isang lokal na airline, posibleng mawalan ang pamahalaan ng tinatayang P4 bilyon na kita mula sa travel tax. Ngunit kapalit nito ang posibleng P299 bilyong kita para sa ekonomiya dahil sa pagdami ng turista at mas mataas na spending.
“By abolishing the travel tax, we inch closer towards realizing the freedom of movement that our fundamental law envisions for every citizen,” ani Cayetano.
Binanggit din ng senador na mayroon nang naunang hakbang sa ilalim ng Memorandum Order No. 29 na inilabas noong 2023. Sa naturang kautusan, libre ang travel tax para sa mga pasaherong bumiyahe mula sa international airports ng Mindanao at Palawan patungong Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) hanggang Hunyo 30, 2028.
“It is high time to give travelers a break and allow for tourism to flourish by removing one of the barriers to travel,” dagdag pa ng senador.
4
