QUIBOLOY IPAAARESTO SA PAGDEDMA SA KAMARA

MAPIPILITAN ang Kamara na maglabas ng warrant of arrest laban kay Apollo Quiboloy kapag hindi pa rin ito dumalo sa pagdinig ng House committee on legislative franchises hinggil sa pagpapakalat umano ng fake news ng Sonshine Media Network International (SMNI) at pagbawi sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation.

Sa mosyon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, vice chairman ng nasabing komite, inaprubahan ang pag-iisyu ng subpoena kay Quiboloy na siyang may-ari umano ng SMNI at gumagamit sa prangkisa ng Swara Sug.

“Kung hindi pa rin siya sisipot ay yun na yung warrant (of arrest),” ani Pimentel matapos kuwestiyonin ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang patuloy na pagbalewala ni Quiboloy sa imbitasyon ng komite.

Ayon kay Brosas, maraming tanong na mismong si Quiboloy ang dapat sumagot tulad ng papel nito sa SMNI na kanyang itinatag dahil hindi ito masagot ng kanyang abogadong si Atty. Mark Tolentino.

“Mr. Chair, we have several questions for Apollo Quiboloy. I think it’s about time that we call for Mr. Apollo Quiboloy para tayo ay sagutin sa ating mga mahahalagang tanong. Its about time na paupuin natin, tanungin nang diretso dahil hindi ito masasagot ng attorney lang, Mr. chair,” ani Brosas.

Dahil dito, nagmosyon si Pimentel na isyuhan ng subpoena si Quiboloy para dumalo sa susunod na pagdinig ng komite at kapag hindi pa rin ito dumating ay iko-contempt na ito at iisyuhan ng arrest warrant.

Hindi matanggap ni Brosas ang pahayag ni Tolentino na walang papel si Quiboloy sa pagpapatakbo ng SMNI dahil sa tuwing umeere ang mga programa sa nasabing network tulad ng Laban Kasama ang Bayan nina Jeffrey Celiz at Lorainne Badoy ay pinasasalamatan ng mga ito ang founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

(BERNARD TAGUINOD)

179

Related posts

Leave a Comment