DSWD UMAPELA SA PUBLIKO NA HUWAG MAGBIGAY NG LIMOS

HINILING ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Romel Lopez sa publiko na tumangging magbigay ng limos sa mga pulubi sa lansangan, alinsunod sa Anti-Mendicancy Law.

Sa katunayan, umapela si Lopez sa mamamayan na huwag kunsintihin ang mga pulubi sa ginagawa ng mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng limos.

Sinabi ni Lopez, isa ring DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications, na ang paglabag sa Anti-Mendicancy Law ay nagpapahina sa implementasyon ng Oplan Pag-Abot program, naglalayong tugunan ang lumalalang problema kaugnay sa indibidwal o pamilya na nasa sitwasyon sa lansangan.

“Alam naman natin kung gaano ang panganib ng mga namamalimos sa lansangan lalo na para sa mga may kapansanan. Andyan ‘yung mga may bitibit at akay-akay na mga musmos, merong mga may kasamang bulag na kumakatok sa mga kotse para humingi ng limos,” aniya pa rin.

Samantala, sinabi naman ni Social Technology Bureau chief Marilyn Moral na mula nang simulan ang programang Oplan Pag-Abot, nagawa ng departamento na maibalik sa kani-kanilang lalawigan ang 590 katao na naging tahanan na ang lansangan sa Kalakhang Maynila.

May 1,064 naman ang kasalukuyan nanunuluyan sa Centers and Residential Care Facilities ng DSWD.

(CHRISTIAN DALE)

211

Related posts

Leave a Comment