HUWAG NAMAN SANANG PAPOGI LANG ANG WAGE HIKE

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

GOODBYE Philippines ang panakot ng grupo ng mga employer kapag natuloy ang P350 wage hike. Babala ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), ang P350 dagdag-sahod ay mapaminsala sa ekonomiya.

Hindi naman nakapagtataka ang reaksyon na ‘yan ng mga negosyante dahil marami sa kanila ang nasanay nang binabarat ang kanilang mga empleyado.
Ngayon ay kuntodo banta na naman sila para hindi matuloy ang dagdag-sahod.

Lumusot na kasi sa Senado ang P100 umento sa sahod ng mga pribadong manggagawa at nasa Mababang Kapulungan na kung isusulong ang panukala para pagtibayin upang maging batas.
Pero napagtantiya ng House of Representatives na hindi ito sapat kaya tinitingnan nila ang rekomendasyong itaas ang minimum wage mula P150 hanggang P350 kada araw.

Ano yan, pampapogi?

Teka muna, sabi nga, kahit maliit ang P100 na umento ay mabuti na raw ito kaysa wala.

Eto na. Dahil ba sa hirit ng hindi kuntentong mga mangggagawa sa P100 umento kaya todo-kayod ang ibang mambabatas na dagdagan ito?

Sabi nga ng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU), alerto ito sa posibilidad dahil malamang na ngawngaw lang ito ng ilang opisyal ng pamahalaan.

Malamang na totoo, sa hinala ko lang, at siguro haka-haka rin ng karamihan.

Malapit na ang midterm elections kaya aligaga at kinakalikot na ng ibang politiko ang kanilang utak para sa mga eksenang magpapabango sa kanila sa mga botante.

Pero, nasa balag ng alanganin ang mga ito. Naiipit sa puwersa ng mga elektorado at mga negosyante.

Tinitimbang kung papanig sa mga uri ng manggagawa na malaki ang parte sa bilang ng mga botante o sa mga negosyante na pwedeng sumuporta sa kanilang kandidatura.

Dito malalaman kung ang ngawngaw, dada o kuda ng mga mambabatas ay gagawing gawa.

Ipaubaya na lang kasi ang wage hike sa wage board dahil ito ang epektibong mekanismo sa pagtatakda ng mga suweldo.

Ayon nga sa ECOP, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ay protektado sa impluwensya ng mga politiko.

Pero sa panahon ngayon, may ligtas o makatatanggi pa ba sa kumpas ng mga makapangyarihan sa bansa?

Teka nga uli, ‘di ba may ibang paraan upang mapabuti ang buhay ng mga trabahador? Kabilang dito ang non-wage benefits at tulong mula sa gobyerno. Ayon mismo ito sa labor secretary.
Ayuda na naman.

Naku, saka na ‘yan. Ano ba ang mga paraan, bukod sa ayuda?

Baka dada rin iyan. Dapat aksyon agad dahil hindi naman pwedeng istambay muna ang tiyan ng karamihan, hindi rin puwedeng sabihin ng pasahero sa driver na pakilista muna pamasahe ko.

‘Wag nang magpatumpik-tumpik sa paglapat ng remedyo sa mga suliranin sa bansa.

Huwag puro bunganga. Kailangan ang gawa.

250

Related posts

Leave a Comment