IUUWI sa Pilipinas si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. para harapin ang iba’t ibang kasong isinampa laban sa kanya.
Ganito ang pagtiyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasunod ng pagkakaaresto sa dating kongresista sa Dili, East Timor noong nakaraang linggo.
“Rest assured that the government will take all necessary actions to bring him back to the country so he can face the charges filed against him,” post ni Marcos sa X, dating Twitter.
Kaugnay nito, pinag-aaralan naman ni Senate committee on public order and dangerous Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung ipagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Senado kay Teves.
Ayon kay Dela Rosa, maaaring ipagpatuloy ang pagdinig at maaaring hindi na rin dahil noong nakaraang taon pa nila tinapos ang imbestigasyon.
Magkagayunman, titingnan muna nila kung may mga impormasyon pang kailangang malaman mula sa dating kongresista.
Mahalaga aniya kung may mga bagay na kailangang ipaliwanag si Teves at kung makikipag-cooperate ito ay maaaring ipagpatuloy ang hearing ng Mataas na Kapulungan.
Bagaman may committee report na aniya sa imbestigasyon ng Senado ay hindi pa ito nai-sponsoran sa plenaryo.
733