BINIGYANG-DIIN ni House of Representatives’ Labor and Employment Committee chair, at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, ang pangangailangan sa tulong ng gobyerno sa ex-rebels para magkaroon sila ng kabuhayan upang mahikayat na hindi na humawak ng armas laban sa pamahalaan.
Batay sa pahayag ng National Amnesty Commission (NAC), tinatayang may 100,000 dating mga rebelde ang makatatanggap ng amnesty program mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang maramihang amnesty applicants ay inaasahang magmumula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), ayon kay NAC Commissioner Nasser Marohomsalic.
“We have to provide ample support to those granted amnesty so they can return to their families and communities with renewed hope,” ani Nograles.
Kamakailan, pinuri ng mambabatas ang Department of Labor and Employment sa pagbibigay ng employment assistance sa nasa 10,000 ex-rebels sa pamamagitan ng kanilang “Tulong Panghanapbuhay Para sa ating mga Disadvantaged Workers” (TUPAD) program.
Binigyan-diin pa niya na ang programang kabuhayan para sa mga dating rebelde ay nangangahulugan o humihikayat sa kanila na iwasan ang matagal nang pakikibaka o karahasan laban sa pamahalaan.
Binanggit din ni Nograles na ang malaking bilang ng inaasahang mga aplikante para sa amnestiya ay isang senyales na tinatanggap nila ang pagsisikap ng gobyerno na magbigay ng mas maayos na buhay para sa kanila.
“Kaya kailangang patuloy tayong magsumikap para mapalago ang agrikultura at mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain, pagandahin ang kalidad ng edukasyon at healthcare, at lumikha ng trabaho para tuluyan nating masugpo ang insurhensiya sa ating bansa,” dagdag pa niya.
Si Pangulong Marcos ay nag-isyu ng ilang mga proklamasyon na nagkakaloob ng amnestiya sa mga miyembro ng MILF, MNLF, at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), pati na rin ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at kanilang front organizations.
Samantala, ang NAC ay naglabas na ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Amnesty Proclamation Nos. 403, 404, 405, at 406 ngayong buwan. (JOEL O. AMONGO)
350