NAGLAAN ang Government Service Insurance System (GSIS) at Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund ng pondo para sa mga miyembro na labis na naapektuhan ng kalamidad at nais mag-loan.
Ang GSIS ay may P18.5 bilyong pondo na gagamitin sa emergency loans para tulungan ang mahigit sa 800,000 members at pensioners na naapektuhan ng Super Typhoon Carina at Southwest Monsoon (Habagat) sa Batangas, Rizal, at National Capital Region (NCR).
Sa isang kalatas, sinabi ng GSIS na maaaring mag-avail ng emergency loan ang 864,089 miyembro at pensioners sa rehiyon na idineklara na isailalim sa state of calamity dahil sa weather disturbance.
Sinabi ng GSIS na ang mga miyembro at pensioners ay maaaring mag-apply para sa emergency loan mula July 26, 2024 hanggang October 28, 2024.
Layon ng emergency loan program na magbigay ng agarang financial relief sa mga miyembro at pensiyonado na labis na naapektuhan ng natural disasters.
“Members and pensioners with existing emergency loan balances may borrow up to P40,000 to enable them to clear their previous loans and receive a maximum net amount of P20,000,” ayon sa ahensya.
Inabisuhan naman ng Pag-IBIG Fund ang mga miyembro nito na maaaring mag-avail sa ng calamity loan program.
Sa isang kalatas, sinabi ng Pag-IBIG Fund na ang programa ay maaaring ma-avail ng mga miyembro na tinamaan ng Bagyong Carina at monsoon rains sa Metro Manila, Batangas, Cainta sa Rizal, at Baco sa Oriental Mindoro.
Ang karagdagang pondo ay ipalalabas din para sa ibang lugar kung saan maaaring magdeklara ng state of calamity.
Ang calamity loan ay isa sa short-term loan (STL) programs ng Pag-IBIG Fund na dinisenyo para magbigay ng kaginhawaan at suporta sa mga miyembro na nakatira at nagtatrabaho sa mga lugar na idineklarang isailalim sa state of calamity.
Ang mga kwalipikadong miyembro ay maaaring humiram ng hanggang 80% ng kabuuang Pag-IBIG regular savings, binubuo ng kanilang monthly contributions, ng kanilang employer’s contributions, at akumuladong dividends earned.
(CHRISTIAN DALE)
183