IBINIDA ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang kanyang tagumpay at mga nagawa sa ilalim ng tatlong taong panunungkulan bilang ina ng lungsod sa kanyang ikatlong State of the City Address (SOCA) na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) nitong Hulyo 30.
Sa kanyang SOCA, kinilala ni Mayor Honey ang pagsisikap ng pamahalaang lungsod katuwang ang bawat departamento na maisakatuparan ang lahat ng mga programa at proyekto para sa bawat Manilenyo.
Ilan lamang sa ibinida ni Mayor Lacuna ang maingat at masinop na paglalaan ng Special Education Fund para sa mahahalagang pangangailangan ng mga mag-aaral katuwang ng City School Board at ang pagpapatapos sa nasimulang pagpapagawa ng mga moderno at makabagong gusaling pampaaralan at pagbibigay ng mga kagamitan sa mga mag-aaral at guro.
Sa pagbubukas ng klase ngayong 2024-2025, sinabi ni Mayor Lacuna na handang-handa ang Manila LGU at ang Division of City Schools Manila sa pagtanggap sa tinatayang nasa tatlong daang libong mga Batang Manilenyo na magbabalik eskwela.
“Hinihiling ko lamang muli, na ang layunin natin para sa isang Magnificent Manila, ay maitaas ang kalidad ng curriculum sa ating mga public schools. Yan ay upang tumaas din ang antas ng bawat magsisipagtapos mula sa ating mga pampublikong high schools, nang sa gayun, maipagmalaki natin ng tunay, na ang lahat ng kuwalipikadong makapasok sa ating mga kolehiyo sa Maynila, ay pulos mga tunay na anak ng Manileño,” ani Lacuna.
Nabanggit din niya na kinilala ang Manila City Library Most Innovative Public Library for Inclusive Library Programs and Activities, at nag-First Place din sa ngayong 2024 sa Gawad Pampublikong Aklatan.
Nagbigay din ng sapat na oportunidad sa trabaho at negosyo tungo sa maunlad na buhay at matatag na pananalapi ng pamahalaan.
Ang Kalinga sa Komunidad na isa sa programa sa ilalim ng kanyang liderato kung saan pinaigting ang serbisyo publiko ukol sa Kalusugan ,karunungan at kapakanang panlipunan tungo sa kalinangang pangkatauhan.
Napanatili rin ang kalinisan ng kapaligiran tungo sa ligtas na pamayanan na may kahandaan sa anomang kalamidad sa tulong ng Disaster Risk Reduction and Management ng Manila.
Ibinida rin ni Lacuna na sa kanyang panunungkulan ay lalo pang pinasigla ang sektor ng turismo. Inaayos ang iba’t ibang mga pasilidad, parke, plaza at iba pang mga pasyalan.
Binuksan natin sa publiko mula Lunes hanggang Linggo ang iconic na Manila Clock Tower Museum kung saan makikita ang mga obra ng iba’t ibang alagad ng sining, gayundin ang 360 degree panoramic view ng siyudad.
Dahil dito, naisama siya bilang isang tourist destination sa Hop On, Hop Off ng Department of Tourism NCR . Nag-grand champion tayo sa Museums and Galleries Month AVP Competition ng NCCA, Grand Champion din sa Best Brochure Category sa ATOP Pearl Awards, at nakamit din natin ang Golden Leaf Presidential Award.
Kinilala rin ng ATOP ang lungsod bilang Best Tourism Religious Practice para sa matagumpay na pagsasagawa ng Traslacion ng Itim na Nazareno. Ito ay bunsod ng aktibo nating pakikipagtulungan sa simbahan, sa mga deboto, at sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nagtiyak sa ligtas at maayos na pagdiriwang.
Nailunsad ang walong tourism hubs sa Maynila na nagresulta sa pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista sa ating lungsod.
Ang Department of Tourism ay nakapagtala ng humigit-kumulang sa labing apat na milyong local at dayuhang turistang dumayo sa Maynila sa loob ng isang taon. Dahil dito, kinilala tayo bilang Worlds’ Leading City Destination noong December 2023 sa World Travel Awards na siyang kinikilala bilang pinaka-mataas na pamantayan sa turismo sa buong mundo.
Kaya naman pinabulaanan ng alkalde na ang Maynila ay riskiest city for tourists.
“Kahit tinawag na “Manila”, ang totoo ay ito ay patungkol sa “Metro Manila”. Hindi lamang Maynila, kundi, buong Kalakhang Maynila.” saad ng mayora.
Panawagan ni Mayor Lacuna sa bawat Manilenyo, simulan at itama ang ating komunidad, magkaisa at pagsikapan ibalik sa ating minamahal na lungsod na maging ligtas at maayos na kapaligiran para sa lahat. Isang Maynila na magbibigay bawat pagkakataon na umunlad.
Ang Kapitolyo aniya ay simbolo ng bansa na minamahal at ipinagmamalaki hindi lamang ng mga Manilenyo kundi ng bawat Pilipino.
(JOCELYN DOMENDEN)
127