LACSON PLANONG BUMITAW BILANG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE CHAIR

KINUMPIRMA ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na ikinukonsidera na niyang magbitiw bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Lacson, pinag-iisipan niya ang hakbang matapos makarinig ng mga pagkadismaya mula sa ilan sa kanyang mga kasamahan sa Senado kaugnay ng paraan ng kanyang pamumuno sa komite.

Ito’y matapos umamin si Senador JV Ejercito na binalak niyang umalis sa Majority Bloc kasunod ng pahayag ni Lacson na halos lahat ng senador sa 19th Congress ay may “insertions” sa 2025 national budget na aabot umano sa P100 bilyon.

Sinabi ni Lacson na gumagawa na siya ng liham para kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III sakaling tuluyan na niyang mapagpasyahan ang pagbibitiw bilang chairman ng komite.

Bukod kay Ejercito, inamin din ni Lacson na nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Sherwin Gatchalian. Gayunman, nilinaw niyang ang mga sentimyentong ito ay bago pa niya ipaliwanag na ang kanyang pahayag tungkol sa mga insertion ay layunin lamang na himukin ang mga senador na umiwas sa labis na alokasyon o “pork insertions.”

Binigyang-diin ni Lacson na walang masama sa budget insertions kung ito ay bahagi ng lehitimong proseso ng pag-amyenda sa pambansang pondo, maliban na lamang kung makikialam ang isang mambabatas sa implementasyon ng proyekto.

Muling iginiit ni Lacson na walang intensyon ang Blue Ribbon Committee na protektahan sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating kongresista Zaldy Co, at ang imbestigasyon ay nakabatay lamang sa mga ebidensyang lumalabas.

Tiniyak din ng senador na kung hindi matutuloy ang kanyang pagbibitiw, ipagpapatuloy ng komite ang mga pagdinig at ipatatawag pa rin sina Romualdez at Co.

Nauna rito, kinumpirma ni Lacson na kanselado ang nakatakda sanang pagdinig ng komite sa Miyerkoles, Oktubre 8, 2025. Ayon sa kanya, ipinagpaliban ito dahil hindi pa handa ang tell-all affidavit ng mga Discaya na hinihintay mula sa Department of Justice, at maging ang imbestigasyon ng Manila Regional Trial Court sa pag-notaryo ng testimonya ni Technical Sgt. Guteza.

“Having been informed that both would not be ready within one week, not to mention that the BRC hearing will be in conflict with the budget and CA hearings, I informed SP Sotto of the cancellation until further notice,” ani Lacson.

(DANG SAMSON-GARCIA)

39

Related posts

Leave a Comment