QUEZON – Nagluluksa ang tanggapan ng Bureau of Fire Protection sa lalawigan ng Quezon matapos na pumanaw ang isang miyembro dahil sa pagresponde sa sunog sa bayan ng Pagbilao noong nitong Martes ng madaling araw.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital si FO1 Marlon Atis dahil sa mga sugat sa sunog na nangyari sa isang establisyemento sa Pornobi St., Barangay Sta. Catalina, pasado alas-5:00 ng umaga noong Martes.
Si FO1 Atis na miyembro ng Pagbilao BFP, na kasama sa mga nagresponde sa sunog ay namatay matapos na makuryente nang mapadikit sa natutunaw na live wire.
Agad itong isinugod sa MMG Hospital sa Lucena City kung saan ito binawian ng buhay.
Nasugatan din ang dalawang nakatira sa nasunog na establishment.
Nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing bombero, hindi lamang ang iba’t ibang mga sangay ng BFP, kundi maging ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Office sa Quezon.
Tinataya namang nasa P100,000 ang halaga ng pinsala sa sunog na idineklarang fire-out dakong alas-5:30 ng umaga. Inaalam pa ang posibleng pinagmulan ng sunog. (NILOU DEL CARMEN)
228