MALI ANG DISKRIMINASYON BASE SA LAHI NG ALAGANG HAYOP

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

SOBRANG bukas na ng ating lipunan sa konsepto ng pagturing bilang bahagi na ng pamilya ang mga alagang hayop. Noong tumama pa ang pandemya, mas tumindi ang interes ng napakaraming tao na mag-alaga ng hayop.

Kaya nga nang magbukas na muli ang mga establisyimento pagkatapos ng mga lockdown, dumami rin ang mga “pet-friendly” na lugar kagaya ng mga restaurant at mga shopping mall.

Ayon sa datos, nasa 67% ng mga Pilipinong pamilya ang may alagang aso at nasa 43% naman ang mayroong pusa.

Dati naman talagang nasa bahay lang kadalasan ang mga ito, pero kitang-kita ang patuloy na paglawak ng konsepto ng mga pet-friendly establishment kaya naka-eenganyo naman talaga na isama na rin ang mga alagang hayop sa pagbisita sa mga ganitong lugar.

Kasabay naman ang pag-usbong ng mga isyu tungkol sa tamang pagtrato sa mga alagang hayop, partikular na sa aspin o asong Pinoy — na aminin man natin o hindi, nakararanas ng diskriminasyon. Wala ka naman makikitang asong may lahi na basta-basta lang naglalakad sa kalye, dahil puro aspin ang kadalasan naiiwan sa labas o walang nag-aalaga.

Kamakailan nga, naging mainit na usapin ang insidente sa Balay Dako na isang kilalang restaurant sa Tagaytay matapos hindi papasukin ang aspin na si Yoda.

Napag-usapan ang diskriminasyon laban sa mga mixed breed na aso at kung paano ba masasabi na talagang “pet-friendly” ang restaurant na ito.

Ayon sa may-ari ni Yoda, hindi pinayagan ng mga staff ng Balay Dako na papasukin ang aso dahil sa laki nito, kahit na may iba namang asong mas malaki pa kay Yoda na pinayagang pumasok. Mabilis na umani ng suporta mula sa pet advocates at ilang kilalang personalidad, ang kampo ni Yoda, dahil nga nakagagalit naman talaga ang insidente.

Bagama’t agad naglabas ng pahayag ang Balay Dako ukol sa insidente, hindi pa rin ito naging katanggap-tanggap sa pet advocates. Nagbigay rin ng pahayag ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na nagsabing ang mga establisyimentong tinatawag ang kanilang sarili na pet-friendly ay dapat magbigay ng pantay na pagtanggap sa lahat ng lahi, kasama ang aspin.

Bukod pa rito, ilang kilalang mga organisasyon ng animal welfare, tulad ng Animal Kingdom Foundation, CARA Welfare Philippines, at Pawssion Project, ang nagpahayag din ng kanilang suporta at nanawagan para sa patas na pagtrato sa lahat ng mga alagang hayop.

Ang isyung ito ay nagpapakita ng malalim na problema ng breed discrimination sa mga pampublikong lugar. Sa maraming pagkakataon, ang mga “purebred” o mga asong may magandang pedigree ay agad na tinatanggap, habang ang mga asong galing sa kalye o mga adoptable na aso tulad ng aspin, ay hindi pinapansin o tinatanggihan.

Ang ganitong uri ng diskriminasyon ay ‘di lamang hindi patas, kundi nagpapakita rin ng mababang pagtingin ng lipunan sa mga asong walang kilalang lahi.

Ngunit, sa kabila ng malinaw na suporta mula sa pet advocates, may diners din na may mga lehitimong reklamo sa pagkakaroon ng mga alagang hayop sa mga kainan. May ilang nagsasabing hindi ito sanitary at posibleng magdala ng allergies o hindi kanais-nais na karanasan habang kumakain. Para sa mga taong hindi sanay o komportableng makasama ang mga hayop sa paligid habang kumakain, ang pagkakaroon ng mga aso, anoman ang lahi, ay maaaring magdulot ng abala o discomfort. Ang hygiene ay isa sa pinakamahalagang alalahanin para sa mga restaurant, kaya mayroong mga nag-aalangan na gawing pet-friendly ang kanilang mga establisyimento.

Sa kabila nito, hindi pa rin tamang i-discriminate ang mga lahi ng aso upang masunod ang mga alituntuning pangkalinisan.

Maraming paraan upang maayos na maipatupad ang behavior-based policies imbis na i-base ito sa lahi ng aso. Halimbawa, maaaring magkaroon ng mga designated pet areas o alituntunin para sa tamang pangangalaga at pagkontrol sa mga alagang hayop para masiguro na malinis at maayos pa rin ang paligid. Ang problema ng hygiene ay isang usapin na maaaring masolusyunan sa pamamagitan ng tamang patakaran, na sigurado naman na susundin ng mga may-ari.

Ang pagiging tunay na pet-friendly ay nangangahulugang pagbubukas ng pinto para sa lahat ng mga alagang hayop, hindi lamang para sa mga piling lahi. Hindi makatarungan ang diskriminasyon batay sa lahi ng aso at dapat itong itama ng mga establisyimento na na nagsasabing tinatanggap nila ang mga alagang hayop. Sa halip na pagbawalan ang ilang lahi ng aso, dapat pagtuunan ng pansin ang tamang asal ng mga alagang hayop at siguraduhing komportable rin ang ibang mga diner. Mayroon naman palaging balanseng solusyon para matiyak ang tamang pagtrato sa lahat.

Kagaya natin, deserve din ng mga alagang hayop ang isang komunidad na ligtas at maayos, at kailangan din nating tanggapin na kahit anong mangyari, bahagi sila ng ating lipunan at kailangan din natin silang alagaan at itrato nang tama.

194

Related posts

Leave a Comment