GINAGAGO TAYO NG MGA WANTED SA CHINA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NABANAS ako sa Senate hearing sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), hindi dahil sa imbestigasyon kundi kinailangan pa ng interpreter sa pagtatanong sa Chinese nationals tulad ni Tony Yang na wanted sa China.

Mahigit dalawa’t kalahating dekada nang naninirahan sa Pilipinas ang mokong na ito na kapatid ng dating economic adviser na si Michael Yang, pero hindi pa rin nakapagsasalita at nakaiintindi ng Tagalog?

Naniniwala ako na nakaiintindi siya at nakapagsasalita ng Tagalog…bulol nga lang dahil tumatango siya kapag tinatanong siya ng mga senador, na isang indikasyon na nakaiintindi siya ng Tagalog. Pero napaglalaruan at ginagago tayo ng mga dayuhang ito.

Sa mismong bansa natin, binabalasubas tayo ng mga Intsik na ito, karamihan sa kanila ay tumakas sa China dahil ang ginagawa nilang mga krimen dito ay hindi ubra sa kanilang pinanggalingang bansa.

Pero wala akong ibang sinisisi kung bakit nangyayari ang mga ganyang kalokohan ng Chinese nationals na pinaghahanap sa kanilang bansa, kundi ang mga Filipino na nagbibigay sa kanila ng proteksyon.

Hindi naman maglalakas ng loob ang mga ‘yan kung wala silang koneksyon sa mga taong gobyerno na nagbibigay sa kanila ng proteksyon na akala ng mga dayuhang ito ay panghabambuhay.

Dahil sa proteksyon na ibinibigay sa kanila ng mga Pinoy na ‘Makapili’ ay nilalabag nila ang batas natin, ginagago nila ang proseso natin na isang harap-harapang pangyuyurak sa ating lahing Kayumanggi.

Kaya dapat habulin at panagutin ang mga Pinoy na nagbibigay ng proteksyon sa mga dayuhang ito dahil kung hindi sa kanila ay hindi makapaghahasik ng kriminalidad ang mga ito sa ating bansa.

Alam natin na may kapalit na halaga kung bakit nila pinoproteksyunan ang mga Intsik na ito na rito nagkakalat sa ating bansa imbes na sa China. Ipinagpalit nila ang kanilang kaluluwa sa mga dayuhang ito na hindi ordinaryong pagnenegosyo ang pakay sa ating bansa.

Hindi pupunta ang mga ‘yan sa Pinas kung walang corrupt sa Pilipinas pero dahil marami ang nabubulag sa kinang ng salapi ay malaya silang nakapapasok kahit wanted sila sa kanilang bansa at hindi lang proteksyon ang ibinibigay sa kanila kundi citizenship pa!

Hangga’t walang Pinoy na protektor ng wanted Chinese nationals at nagbubulag-bulagan sa kanilang mga kagaguhan sa ating bansa dahil sa natatanggap nilang salapi, ay mauulit at mauulit ‘yan sa mga susunod na panahon.

Pero dapat ding matuto ang mga dayuhang ito na hindi forever ang nakukuha nilang proteksyon dahil kapag nagkabukuhan at nagkagipitan na, iniiwan din naman sila ng mga Pinoy Makapili, hindi ba?

85

Related posts

Leave a Comment