ARESTADO ang isang motorcycle rider nang makumpiskahan ng baril makaraang bumangga sa isang motorsiklo sa Taft Avenue, Ermita, Manila noong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si alyas “Kenny”, binata, jobless, 27-anyos, residente ng Maypajo, Caloocan City.
Batay sa ulat nina Police Staff Sergeant Richard Borres at Patrolman Domingo Blam, kapwa nakatalaga sa Jorge Bocobo Police Community Precinct sakop ng Ermita Police Station 5, bandang alas-2:50 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa nabanggit na lugar.
Napag-alaman, nagpapatrolya ang dalawang pulis nang mamataan ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo na walang plaka.
Nataranta ang suspek kaya kaya humarurot ng takbo hanggang sa bumangga ito.
Nagpatuloy pa ang suspek na paandarin ang motorsiklong Yamaha Mio Soul patungo sa service road sa Roxas Boulevard ngunit pagsapit sa L. Guerrero Street ay bumangga ito sa isang motorsiklo kaya nadakip ng mga pulis.
Nagtangka pang lumaban ang suspek na nakumpiskahan ng isang Helwan Brigadier Caliber 9MM na baril na may walong bala.
Naniniwala ang mga awtoridad na ang suspek ay sangkot sa serye ng holdapan sa area ng Ermita at Malate.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act) at Article 151 (Resistance at Disobedience to a Person in Authority). (RENE CRISOSTOMO)
134