DUMARAMI ang mga Pilipino na rumaraket para may dagdag kita.
Batay sa survey ng research firm Kantar, 7 sa 10 Pilipino ang nakakita ng mga paraan para sa pangangailangan ng kanilang pamilya at karamihan sa kanila ay rumaraket para kumita.
Base sa pag-aaral ng Kantar, na kumapanayam sa 2,000 pamilya sa bansa, lumabas na 73 porsyento ng mga Pilipino ay nagsabing nagagawa nilang pagkasyahin ang kinikita ngunit kakailanganin nilang maghanap ng dagdag na pagkakakitaan, dahilan upang isakripisyo nila ang oras at ilaan sa ibang trabaho, personal na interes at mga aktibidad.
Batay pa sa survey, na isinagawa mula Pebrero 2024 hanggang Abril 2024, itinuturing ng 19 porsyento ng pamilyang Pilipino na sila ay nahihirapan dahil sa kulang sa oras ng trabaho na nakakaapekto sa kanilang sahod.
Ang natitirang 8 percent ng mga respondent ay nakararamdam ng kapanatagan sa kanilang sitwasyon.
Gayunman, nananatiling positibo ang mga Pinoy sa kabila ng hinaharap na kalagayan. Halos 41 porsyento ang naniniwala na bubuti ang sitwasyon, habang 52 percent ang nagsasabing walang pagbabagong mangyayari, at 7 porsyento ang naniniwalang lalala ang mga bagay sa mga buwang darating.
Maraming Pinoy ang kinakapos ang sahod kaya kumukuha ng ibang trabaho.
Dapat seryosohin ng gobyerno ang isyung ito. Mananatiling lugmok ang buhay ng mga manggagawa kung walang malinaw na solusyon sa palalang sitwasyon sa sektor ng trabaho.
Isa sa pinakamalaking dahilan ng paghahanap ng dagdag na trabaho ng mga kapos ang kita ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kaya bumabaling sila sa tinatawag na gig economy.
Kinakagat nila ang panandaliang kontrata o freelance para kumita ang walang trabaho at madagdagan naman ang kinikita ng mga mayroon na.
May magandang epekto ang gig economy, ngunit sa iba ito ay walang katiyakang pagkakakitaan.
Hawak nga nila ang oras, walang amo, ngunit hindi matatag ang trabaho dahil walang katiyakan kung kailan ito masusundan.
Wala ring proteksyon ang karapatan at kapakanan ng milyong freelance gig economy workers.
Mahalaga ang pagprotekta sa mga karapatan ng gig economy worker, kasing halaga ng pagtiyak sa mga benepisyo ng mga manggagawa ng sektor na ito.
101