SA Cavite idinaos ang ika-24 na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. noong Biyernes at Sabado.
Bitbit ng BPSF ang P1 bilyong halaga ng programa at serbisyo ng gobyerno para sa 120,000 Caviteños.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang BPSF ay nagpapatuloy sa pagpapaabot ng direktang serbisyo at tulong sa mga Pilipino.
Nagsilbing local host ng BPSF ang pamilya Revilla sa pangunguna ni Sen. Ramon “Bong” Revilla at misis nitong si Cavite Rep. Lani Mercado Revilla, katuwang si Speaker Romualdez at ang may 65 ahensya ng pamahalaan na may dalang 235 mahahalagang programa at serbisyo.
“Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay patunay na walang maiiwan sa Bagong Pilipinas ng ating Pangulong BBM. Dito, mabilis, maayos, maginhawa at masaya ang serbisyong hatid natin sa bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez, lider ng mahigit 300 kinatawan ng Kamara de Representantes.
Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng kabuuang P451 milyong cash assistance at 255,500 kilo ng bigas.
“Ang tagumpay ng Serbisyo Fair ay isang halimbawa ng ating pagkakaisa para tiyakin na maramdaman ng bawat Pilipino ang presensya ng pamahalaan,” sabi ni Speaker Romualdez.
Ilan sa mga mahahalagang ahensya na nakibahagi sa BPSF ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang TUPAD program ng DOLE ay naglalayong magbigay ng panandaliang trabaho sa mga residente habang ang scholarship ng TESDA ay nagbibigay ng pagsasanay sa mga Caviteños na makatutulong upang sila ay makapasok ng trabaho.
“Sa pamamagitan ng mga programang ito, natutulungan natin ang ating mga kababayan na makabangon at makahanap ng trabaho o kabuhayan,” Speaker dagdag ni Romualdez.
“The BPSF is a concrete example of how we can achieve more when we work together. Sa pagkakaisa ng lahat, mas mabilis nating nadadala ang serbisyo ng gobyerno sa bawat tahanan,” dagdag pa nito.
Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa mga lokal na opisyal na sumuporta sa programa.
Kasama rin sa mga pangunahing programang dala ng BPSF ang Tulong Dunong scholarship ng Commission on Higher and Technical Education (CHED) na ipinagkaloob sa mga estudyante at ang programa ng DSWD na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) kung saan 70,000 indibidwal ang natulungan.
Magpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda sa buong Cavite kung saan marami pa ang inaasahang makakatanggap sa mga susunod na linggo.
“Dito sa Bagong Pilipinas, walang maiiwan. Patuloy tayong magbibigay ng tulong at serbisyo sa bawat sulok ng bansa,” sabi ni Speaker Romualdez.
Ang BPSF ay planong dalhin sa lahat ng 82 probinsya ng bansa. Pagbabahagi pa ni Speaker Romualdez, umabot na sa P13 bilyong tulong sa may 2.8 milyong pamilya ang naihatid na sa naunang 23 BPSF.
“We will not stop until every Filipino feels the presence of our government through services that directly impact their lives,” pagtiyak niya.
Bilang karagdagan sa mga serbisyo ng gobyerno, isang Pagkakaisa Concert ang ginanap sa NOMO Parking Grounds sa Bacoor, na inaasahang dadaluhan ng libu-libong Caviteño bilang
selebrasyon ng tagumpay ng serbisyo fair. Ang mainit na pagtanggap publiko ay bahagi ng hangarin ng gobyerno na paglingkuran ang mga Pilipino.
Partikular na nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga volunteer at nakibahagi na ahensya para maisakatuparan ang programa.
“The success of the BPSF in Cavite is a step closer to achieving our goal – an inclusive government that leaves no Filipino behind,” sabi niya.
Kumpiyansa naman si Speaker Romualdez na magiging matagumpay din ang mga susunod pang BPSF.
“Magkaisa tayong lahat para sa isang Bagong Pilipinas, at sama-sama nating iparamdam sa bawat Pilipino ang malasakit at serbisyong handog ng pamahalaan,” pagsiguro ng lider ng Kamara.
126