NAGHAIN ng CONA para sa Ang FPJ Panday Bayanihan Party-list si Brian Poe-Llamanzares na sinamahan ng inang si Senator Grace Poe. Kasama niya ang mga kapwa nominee na sina Mark Patton (kanan) at Hiyas Dolor na 3rd nominee. (DANNY BACOLOD)
PORMAL na naghain ng certificate of candidacy si Dr. Brian Poe Llamanzares, bilang first nominee ng FPJ Panday Bayanihan party-list sa Commission on Elections (Comelec) kahapon ng umaga.
Si Dr. Brian ay panganay na anak ni Senator Grace Poe at apo ng yumaong batikang action star na si Fernando Poe Jr. Kasalukuyang Chief of Staff ni Senator Poe si Dr. Brian Poe, na kapwa kinalinga ni FPJ, tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino.
Itinatag ni Brian noong 2013 ang FPJ Panday Bayanihan at siya rin ang nanguna sa pamimigay ng hindi mabilang na tulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga kapus-palad. Food, Progress at Justice ang pangunahing adbokasiya ng party-list na siyang ipinaglalaban ni Da King noon pa man at itutuloy ito ni Brian.
Aniya, “mula sa titulo ng pelikula ‘Hindi pa Tapos ang Laban’ ay aking ipagpapatuloy ang tunay na adhikain ng aking lolo na tulungan ang mga mahihirap. Hindi lang sa pag-aayuda bagkus ilalaban natin sa Kongreso na mapalakas ang probisyon sa umiiral na batas sa usapin ng food security upang makahulagpos kahit papaano sa kahirapan at umunlad ang pamumuhay ng mga marginalized sector.”
