5,572 BAGONG ABOGADO, NANUMPA NA

WALANG pagsidlan ng tuwa ang mahigit 5,500 bagong abogado matapos ang kanilang oathtaking at Roll Signing Ceremony na pinangunahan ng Korte Suprema sa Philippine Arena sa Bulacan.

Kabuuang 5,572 bagong abogado ang opisyal nang naging bahagi ng Philippine Bar matapos pumasa sa 2025 Bar Examinations. Dumalo sa makasaysayang seremonya ang mga bagong abogado kasama ang kanilang pamilya at mahal sa buhay.

Pinangunahan ng En Banc ng Korte Suprema ang naturang programa na ginanap sa isa sa pinakamalaking indoor arena sa bansa.

Nagmula ang bilang ng mga nakapasa mula sa 11,425 examinees na kumuha ng Bar Exams noong Setyembre 2025. Katumbas ito ng 48.8 porsiyentong passing rate.

Ayon kay Associate Justice Amy Lazaro-Javier, chairperson ng 2025 Bar Examinations, may 22 bar passers ang hindi nakadalo sa oathtaking.

Ibinahagi rin ng mahistrado na sa kauna-unahang pagkakataon ay pinayagan ang mga mahal sa buhay ng mga bagong abogado na makatabi ang mga ito sa kanilang upuan habang ginaganap ang seremonya. Dahil dito, kinailangang ilipat ang okasyon sa mas malaking venue.

Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Lazaro-Javier ang mga bagong abogado na panatilihin ang kababaang-loob sa kabila ng kanilang tagumpay at iwasan ang pag-iisip na ang pagiging abogado ay nagbibigay ng natatanging pribilehiyo.

(JULIET PACOT)

12

Related posts

Leave a Comment