QUADCOM MAY EBIDENSYA SA REWARD SYSTEM SA WOD

KAHIT anong pagtanggi ang gawin nina Senador Ronald dela Rosa at Bong Go, malakas ang ebidensyang nakalap ng Quad Committee hinggil sa reward system o pagbabayad sa mga pulis sa bawat drug suspek na kanilang mapapatay noong kasagsagan ng war on drugs (WOD).

Ito ang nagkakaisang pahayag ng tatlo sa apat na chair ng Quadcom na nag-iimbestiga sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Illegal Drug Trade at Extra Judicial Killings (EJK) noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“The evidence so far unearthed in the Quad Comm belies Senators Bato’s and Bong Go’s denials of EJK involvement and existence of the reward system that was public knowledge during the previous administration, particularly in the Philippine National Police (PNP),” ani House committee on public order and safety chairman Rep. Dan Fernandez.

Kabilang sa mga ebidensyang ito aniya ang testimonya nina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma at PLt. Col. Jovie Espenido na itinuturing na ‘poster boy’ ng war on drugs.

Base sa nagdaang pagdinig ng komite, umaabot sa P1 million ang ibinibigay na pabuya sa mga pulis na makapapatay ng drug suspek kung saan si dating National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo ang nagdedesisyon sa kategorya at halaga ng pera sa bawat suspek na mapapatay.

Si Leonardo rin umano ang nagsusumite ng report kay Go para masingil ang reward money na ipinapasa naman sa mga regional at provincial director ng PNP at magbabayad sa kanilang pulis na nagtrabaho.

“Not only did it exist; it was managed by higher-ups, meaning by Malacañang (Duterte administration),” ayon pa kay Fernandez na isa sa apat na chair ng Quad Comm kasunod ng mariing pagtanggi nina Dela Rosa at Go na may reward money.

Sinabi naman ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers, pinao-audit na umano ng mga ito ang intelligence funds sa Office of the President at PNP noong nakaraang administrasyon dahil sa hinalang ito ang ginamit sa reward system bukod sa koleksyon sa POGO at Small Time Lottery (STL).

Sinabi naman ni House committee on human rights chair Rep. Bienvenido Abante Jr., na ang presensya nina Dela Rosa at Go sa pulong na ipinatawag ni Duterte sa gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao City ay malakas na katibayan dahil dito umano binuo ang plano na gayahin ang Davao Model kung saan babayaran ang mga pulis na makakapatay ng drug suspect. (BERNARD TAGUINOD)

171

Related posts

Leave a Comment